EO na nagbibigay ng abot-kaya at murang gamot, maiiwang legasiya ng Administrasyong Duterte

EO na nagbibigay ng abot-kaya at murang gamot, maiiwang legasiya ng Administrasyong Duterte

IPRINESENTA ng Department of Health (DOH) ang maximum drug retail price o ang effort ng ahensiya para sa murang presyo ng ilang gamot.

Isinulong ang maximum retail price (MRP) for medicines sa pamamagitan ng pagpasa ng batas gaya ng Executive Order No. 155 at EO 104.

Ito ang ibinahagi ni Dr. Anna Melissa Guerrero, Director ng Pharmaceutical Division ng DOH sa ginanap na ‘Kapihan Session’ ngayong araw.

Aniya, kapag sinabing maximum retail price, nagtatakda ang DOH sa pamamagitan ng Office of the President, ng ceiling price sa mga piling gamot.

Dahil sa tulong ni Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Guerrero na napababa ang presyo ng gamot para sa mga sakit tulad ng asthma, high cholesterol, hypertension, breast cancer, at iba pa.

Saysay ng health official, 40% ang average price reduction o ang ibinaba ng presyo ng mga piling gamot.

Samantala, mahaharap naman sa parusa ang mga ospital at drug stores na lumalabag sa itinakdang maximum retail price ng mga piling medisina.

Sa kabilamg banda, tuluy-tuloy din ang implementasyon ng National Patient Navigation and Referral Center (NPNRC) na nag-umpisa bilang One Hospital Command Center.

Sinabi ni Dr. Bernadett Velasco, Operations Manager ng NPNRC, layon ng naturang programa na mapadala ang mga pasyente sa tamang pasilidad o ospital.

Nakatutulong din ito sa mga ospital na ma-decongest ang kanilang pasilidad at mabigyan ng tamang lunas ang critical patients.

Sa naging accomplishment ng NPNRC, nakapag-refer sila ng mahigit 87,605 cases.

Bukod dito, nakapag-isolate din ang NPNRC ng mahigit dalawang libong o 2,479 healthcare workers na nagkaroon ng COVID-19 infection.

Available ang serbisyo ng NPNRC  24/7  kahit sa araw ng holiday.

Maaaring kumontak ang publiko sa kanilang hotline na 1555 option 2 o di kaya’y sa 0915 777 7777 at 0919 977 3333.

Inaasahan naman na magtutuluy-tuloy na ang NPNRC kahit magpapalit na ng administrasyon.

Sa kabilang dako, nang maisakatuparan ang Malasakit Centers Act o Republic Act No. 11463, marami na ang natulungang mamamayan na nangangailangan ng tulong medikal at pinansyal.

As of June 1, 2022, mayroon nang kabuuang 151 Malasakit Centers ang naitayo sa bansa.

Sa tala ng DOH mula Enero taong 2018 hanggang Abril ngayong 2022, mahigit 4 milyong (4, 039, 340) mga pasyente na ang natulungan sa ilalim ng Malasakit Centers.

Mahigit P23 billion naman ang kabuuang halaga na naibigay na tulong sa pamamagitan pa rin ng Malasakit Centers.

Tulad ng maximum retail price (MRP) for medicines at NPNRC, ay magtuluy-tuloy na rin ang programang Malasakit Centers dahil ito ay batas na.

Ang Malasakit Centèrs ay nagbibigay ng maginhawang pag-access sa mga tulong mula sa DOH, Department of Social Welfare and Development (DSWD), PhilHealth, at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Inihayag ng DOH na walang dapat ikabahala ang mga Pilipino kahit pa matatapos na ang termino ni Pangulong Duterte dahil patuloy pa ring makaka-avail ang mga ito sa mga serbisyong talagang naghahatid ng kaginhawaan sa kanilang buhay.

Ito ay gaya na lamang ng handog na murang gamot,  Patient Navigation and Referral Center at ang Malasakit Centers.

Follow SMNI News on Twitter