UMAARAY ang ilang nagtitinda ng mga pangunahing bilihin sa ilang pamilihan sa Metro Manila. Ayon sa kanila, ramdam na ang epekto ng tensiyon sa Middle East, partikular sa mga presyo ng mga bilihin.
Tanghali na pero punong-puno pa rin ng mga bentang isda ang tindahan ni Alberto Gruta sa isang palengke sa Quezon City.
Sobrang tumal aniya ng bentahan ng kaniyang mga produkto na sinabayan pa ng mataas na presyo, partikular na sa isdang galunggong.
“Dumoble rin ‘yung taas. Umaabot na siya ng P220 to P200 ganon. Noon magkano lamang? P180 to P170,” ayon kay Alberto Gruta, tindero ng isda.
Bukod sa galunggong, nagmahal din ngayon ang isdang bangus ng Dagupan at tilapia ng Batangas.
Ang hinaing ni Alberto ay kapareho rin sa nararamdaman ni Aling Rosalie na pagbebenta ng karneng manok at baboy ang hanapbuhay.
Mababa lang kasi ang tubo niya sa manok at baboy dahil napakamahal ng kapital o puhunan.
Sa manok, umaabot na sa P240 hanggang P260 ang kada kilo, habang P400 sa pork liempo at P380 sa kasim at pigue.
“Kung dati nagrereklamo ‘yung mga tao mas malala ngayon. Dahil daw sa giyera, apektado lalo na ‘yung sa gasolina di ba,” wika ni Rosalie, tindera ng manok at baboy.
Nagbabala ang ilang tindera na posibleng sumirit na muli ang presyo ng mga bilihin kung magpapatuloy ang tensiyon sa Gitnang Silangan
Isa na naman itong dagok sa mga suliraning matagal nang pinapasan ng bansa, lalo na sa usapin ng mataas na presyo na hirap pa ring tugunan ng gobyerno.
“Ini-expect talaga namin na tataas talaga ‘yan. Hindi namin sure kung kailan pa tataas ‘yung isda,” saad ni Dicky, tindera ng isda.
Samantala, ayon sa ilang tindera, nananatiling matatag ang presyo ng mga gulay sa kabila ng tensyon sa Gitnang Silangan.
Ngunit kahit hindi pa gumagalaw ang presyo, matumal pa rin ang bentahan na siyang mas nagpapabigat sa kalagayan ng mga nagtitinda.
“’Yung sa ibang paninda kasi ay hindi siya puwedeng abutin ng ilang araw. Kaya, ginawa namin bargain ganon, bagsak presyo na ang nangyayari,” ayon kay Gievelyn, tindera ng gulay.
DA: P150-M fuel subsidy, target ipamahagi sa mga magsasaka at mangingisda
Sa panig naman ng Department of Agriculture (DA), aminado ang kalihim na nakababahala sa usapin ng presyo ng bilihin ang tensyon sa Israel at Iran.
“But, ‘yung pumasok ang America into to the fray ngayon and then ‘yung fuel price ay kaninang umaga lang ay may threat na ‘yung Iran na isasara ‘yung Strait of Hormuz that would be a problem,” saad ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Pero ayon sa ahensiya, nakahanda na ang fuel subsidy lalo’t malaki ang posibilidad na maapektuhan hindi lang ang presyo ng abono, kundi pati na rin ang gastusin sa transportasyon ng mga produkto.
“Well, ‘yung sa fuel subsidy, ang alam ko ay mayroon,” ani Laurel.
Nasa P150M ang nakalaang pondo ng ahensiya para sa fuel subsidy na inilaan para sa mga magsasaka at mangingisda, kung saan tinatayang aabot sa 50,000 kwalipikadong benepisyaryo ang makikinabang.