ES Bersamin at Kongreso, pinakokomento ng Korte Suprema hinggil sa 2025 National Budget

ES Bersamin at Kongreso, pinakokomento ng Korte Suprema hinggil sa 2025 National Budget

SA ORAS na makuha ang notice ng kataas-taasang hukuman ng Korte Suprema, kailangan magkomento sa loob ng sampung araw si Executive Sec. Lucas Bersamin, Senado at Kamara hinggil sa petisyon na nagpapawalang bisa o nagpapabasura sa 2025 General Appropriations Act o GAA.

Matatandaan na inihain kamakailan nina dating Executive Secretary Vic Rodriguez, Congressman Isidro Ungab at Rogelio Mendoza sa korte ang petisyon na kumukwestyon sa legalidad ng ipinasang pambansang pondo ng Malacañang at ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ayon sa mga nagpetisyon, unconstitutional ang 2025 National Budget dahil sa mga blank item na nakapaloob sa Bicameral Committe Report sa General Appropriations Bill.

Sinabi rin nila na unconsitutional ang 2025 GAA dahil bigo ang mga respondent na maglaan ng mandatory funding para sa Philippine Health Insurance Corporation  (PHILHEALTH).

Hindi rin legal ang paglaan ng pinakamataas na appropriations sa imprastruktura kesa sa edukasyon.

Korte Suprema, sinimulan na ang pagdinig hinggil sa petisyon vs. paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa National Treasury

Samantala sinimulan na ng Korte Suprema ang pagdinig hinggil sa petisyon na may kaugnayan sa halos P90B na excess fund ng PHILHEALTH.

Kabilang sa mga nagpetisyon ay si Senator Koko Pimentel, 1 Sambayan Coalition at iba pa na gustong maideklarang unconstitutional ang paglilipat ng naturang pondo ng state insurer sa National Treasury.

Hindi raw ito pwede mailipat sa pamamagitan ng General Appropriations Act at paglabag ito sa probisyon ng Universal Health Care Act na naggagarantiya sa social protection ng mga Pilipino.

Nakasaad daw sa probisyon na ang excess fund ay dapat gamitin sa pagpapataas ng benepisyo.

Sa report, halos P60B na ang nailipat sa National Treasury kasunod ng inilabas na circular ng Department of Finance.

Giit pa ng mga counsel na hindi makatarungan na pilayan ng pondo ang PHILHEALTH gayong kailangan na kailangan ito ng mga Pilipino kasunod ng napakataas na out of pocket spending ng mga Pilipino na siyang isa sa mga pinakamataas sa ASEAN.

Ang pagdedeklara na ilegal ang fund transfer ay paraan daw ng pagpapatigil sa abusong ginagawa ng Kongreso sa kanilang power of the purse.

Ayon naman kay SOLGEN Menardo Guevarra, na walang masamang plano ang gobyerno sa fund transfer. Ang hangarin daw nito ay mapondohan ang mga mahahalagang proyekto ng gobyerno.

Iginiit nito na dapat alisin bilang respondent sa petisyon si Bongbong Marcos JR. dahil sa kaniyang immunity bilang Pangulo ng bansa

Samantala, iba’t ibang grupo naman ang pumuwesto sa harap ng Korte Suprema para ihayag ang kanilang hindi pagpabor sa pangingialam ng pondo ng state insurer.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter