Eskwelahan na gagamitin bilang isolation facility sa Quezon City, inirereklamo ng mga residente

Eskwelahan na gagamitin bilang isolation facility sa Quezon City, inirereklamo ng mga residente

IKINABABAHALA ng mga residente ng isang subdivision sa Quezon City ang nakatakdang pag-convert ng Emilio Jacinto High School para gawing isolation facility para sa asymptomatic at mild fever na sintomas ng COVID-19.

Sa kaniyang liham na ipinadala sa DZAR Sonshine Radio Manila, inirereklamo ng tumatayong pangulo ng kanilang asosasyon ng Centerville Subdivision sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City ang nasabing aksyon.

Ayon kay Marissa Mulles, nito lamang nakaraang Biyernes nang opisyal na malaman nito ang nakatakdang pag-convert ng eskwelahan sa kanilang lugar para gawing isolation facility.

Bagay na tinututulan nito dahil sa pangamba na maging daan ito sa posibleng hawaan ng sakit na COVID-19 sakaling magtutuloy-tuloy ang operasyon ng nasabing pasilidad.

Pero ayon sa lokasyon ng sinasabing pasilidad, labas naman na ito sa kanilang subdivision pero sadyang malapit naman ito sa kanilang mga residente at katabi lang din ito ng ilang informal settlers sa lugar.

Ayon pa mismo sa asosasyon, walang naganap na konsultasyon tungkol sa nasabing conversion.

Bagama’t batid naman nila na government property ang kinatatayuan ng eskwelahan pero kung magkagayon anila, ay mapipilitan silang isara ang gate na malapit sa nasabing pasilidad at wala nang papasukin sa kanilang bisinidad.

Bukod sa pagpapasara sa isa nitong gate, magpapaikot din ang asosasyon ng isang petisyon ng pagtutol at pagpapahinto sa nasabing pasilidad.

Sa kabilang banda, nauna nang ipinalabas sa mga balita at pahayagan na isa ang Emilio Senior High School sa Brgy. Pasong Tamo sa Quezon City na kabilang sa mga target na eskwelahan para gawing isolation facility ng mga pasyente o tinamaan ng COVID-19.

Batay kasi sa ugnayan ng Inter Agency Task Force at National Task Force Against COVID-19, ang DPWH ang tanging may desisyon kung aling lugar ang maaaring gamitin bilang COVID-19 facility hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa iba’t ibang panig ng bansa na may mataas na bilang ng COVID-19.

Samantala, sa datos ng Quezon City COVID-19 tracker, nangunguna ang Brgy. Pasong Tamo sa may pinakamaraming naitalang kaso ng COVID-19 at pumapangalawa sa kabuuang lungsod.

Sa susunod na mga araw, ipapaikot na ng asosasyon ang kanilang petisyon sa buong subdivision at bukod sa kanilang sariling subdivision at nakikipag-ugnayan na rin sila sa iba pang mga katabi na subdivision na nasa 100 to 200 meters lang ang layo sa nasabing pasilidad.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.