MATAPANG na kinuwestiyon ni former Spokesperson, NTF-ELCAC Dr. Lorraine Badoy ang kawalan ng paninindigan ni Marcos Jr. matapos ang tila magkakasalungat na hakbangin ng kaniyang administrasyon.
Sa kabila ng pahayag niyang hindi kikilalanin ang International Criminal Court (ICC), mismong mga tauhan ng gobyerno—kabilang ang Philippine National Police (PNP) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)—ang aktibong nakipagtulungan sa Interpol para isilbi ang umano’y warrant of arrest laban kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay Badoy, posibleng epekto ito ng umano’y paggamit ng ilegal na droga—isang dahilan kung bakit pabago-bago ang desisyon ng Pangulo at tila hindi nito kayang panindigan ang kaniyang mga sinasabi.
“It’s a very clear manifestation of his mental status… Kasi dapat nagpapa-hair follicle drug test siya,” wika ni Dr. Lorraine Badoy, Former Spokesperson, NTF-ELCAC.
Para kay Badoy, kailangang pagbayaran ng administrasyong Marcos Jr. ang aniya’y kawalang respeto sa batas at sa dating Pangulo na patuloy na minamahal ng milyun-milyong Pilipino, maging ng mga lider sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
“Walang respeto sa batas ng Pilipinas, sa Saligang Batas… Si PRRD ay mahal na mahal ng Pilipino. Trust and approval ratings that has been an envy of every leader of every democratic country in the world… BBM will pay an even bigger price,” dagdag ni Badoy.
Dr. Badoy: Pag-aresto kay FPRRD, paglilihis lamang sa umano’y isyung kinasasangkutan ni FL Liza Marcos sa Amerika
Samantala, ipinunto ni Badoy na ang ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay bahagi lamang ng isang mas malaking cover-up—at ito ay para ilihis ang atensiyon ng publiko mula sa diumano’y pagkakasangkot ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa isang insidente sa Amerika.
Bagama’t wala pang opisyal na pahayag mula sa Malacañang o sa pamilya Marcos tungkol sa isyung ito, iginiit ni Badoy na matagal nang nakasanayan ng administrasyong ito ang pagtatago ng mahahalagang impormasyon at pagtatakip sa mga tunay na nangyayari.
“Mayroon kasi tayong nabalitaan na may namatay sa Amerika at mukhang kasama dito si Liza Marcos… Ang hirap sa administrasyong ito, puro tago,” aniya.
Sa kabila ng lahat, naniniwala si Badoy na malalampasan ni dating Pangulong Duterte ang matinding pagsubok na ito. At sa huling pagkakataon, patuloy pa rin niyang iaalay ang kaniyang buhay para sa bayan.
“Si PRRD ay handang-handa siya rito… Yayakapin din natin ito,” giit nito.
Sa kabila ng mga kontrobersiya at usaping bumabalot sa isyung ito, patuloy na sinusubaybayan ng publiko ang bawat hakbang ng administrasyon at ng mga personalidad na sangkot sa pagpapa-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang mabilis na paghain sa kanya sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands.
Habang naghihintay ang bayan ng mga opisyal na pahayag at kongkretong aksiyon sa naturang isyu, isang bagay ang tiyak—mananatiling mapanuri at mulat ang sambayanang Pilipino sa mga pangyayaring may direktang epekto sa kinabukasan ng bansa.