Estado ng peace talk sa pagitan ng pamahalaan at ng mga local terrorist group, kuwestiyonable—dating kadre

Estado ng peace talk sa pagitan ng pamahalaan at ng mga local terrorist group, kuwestiyonable—dating kadre

DISMAYADO ngayon ang dating intelligence officer at dating kadre ng CPP-NPA-NDF na si Jeffrey “Ka Eric” Celiz sa kasalukuyang administrasyon dahil sa nangyaring pananambang ng mga armadong grupo sa tropa ng militar na ikinasawi ng dalawang sundalo at ikinasugat ng 12 indibidwal nito lang nakaraang araw.

Naganap ang engkuwentro habang nagsasagawa ang mga awtoridad ng lehitimong security operations bilang bahagi ng United Nations Development Program (UNDP) sa ilang komunidad sa Sumisip, Basilan, Miyerkules ng hapon, Enero 22.

Mariin namang kinondena ni Basilan Gov. Jim Salliman at ng 101st Infantry Brigade ng Philippine Army ang madugong engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ilang “notorious” na indibidwal na sumusuporta sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Ka Eric, sinabi nito na kaya siya dismayado ay dahil wala aniyang mabigat na pahayag at pagkondena ang pangulo ng bansa sa nangyaring pananambang.

“Kalunos-lunos, kahindik-hindik at napakabrutal ng ginawa na ito, this is what defines terrorism, isa itong akto ng terorismo na we expect that the commander in chief should have a very clear categorical explanation and no less than the president lalo na pati ang Department Of Defense Secretary na maipakita nila ang pagkondena dito,” wika ni Jeffrey “Ka Eric” Celiz, Former National Intelligence Officer, CPP-NPA-NDF.

Dahil sa madugong pangyayari, hindi tuloy maiwasan ng dating kadre na kuwestiyunin ang ginawang mga peace talk ng pamahalaan sa mga rebeldeng grupo.

“So questionable talaga ito ano ang status ng peace deal natin what are we now having? So ito ba ay mere piece of paper? May pananagutan din dito si Secretary Charlie Galvez,” dagdag ni Celiz.

Maliban dito, sinabi rin ni Ka Eric na resulta din aniya ito ng pagtanggal ng kasalukuyang administrasyon sa mga dating pangulo ng bansa sa National Security Council na makatutulong sana sa mga ganitong usapin.

“I think so sapagkat kung pag-uusapan natin ang eksperyinsya o karanasan ni Pangulong Rodrigo Duterte how to handle the crisis situation in Mindanao involving violent extremist groups makakatulong sya sa pagbibigay advise dito sa pangulo ng bansa sa kasalukuyan and including National Security Council” ayon pa kay Celiz.

Dagdag ni Ka Eric, nagkakaroon ng lakas ng loob ang mga terorista dahil dito.

“Nakikita natin ‘yong pagiging malakas ang loob ng mga grupong terorista dahil nawala ang fear factor, ‘yong pagkatakot na mayroon silang kalalagyan at may pananagutan sila sa batas at hahabulin sila ng gobyerno at bibibitbitin sila to account themselves for crimes at terrorism, hindi na nila maramdaman kaya lumakas ang loob nila,” ani Celiz.

Samantala, sa panayam ng DZAR SMNI Radio kay Col. Louie Dema-ala sa programang Makialam, sinabi ng tagapagsalita ng Philippine Army na ngayon lang umano ito nangyari ang ganitong pananambang matapos na ideklarang insurgency-free ang probinsiya ng Basilan.

“Itong insidente na ito ay ngayon lang ito nangyari dahil isang taon na ang nakalipas actually nag-declare na tayo ng insurgency-free, Abu Sayyaf-free itong Basilan at nagkaroon din ng ceasefire dito between sa MILF and the Armed Forces of the Philippines kaya hindi natin inaasahan ang pangyayari na ito kaya ganun na lang ‘yong ating pagkondena sa nangyari na ito,” wika ni Col. Louie Dema-ala, Spokesperson, Philippine Army.

Sa huli, sinabi ni Col. Dema-ala na gagawin nila ang lahat para mapanagot ang mga may kagagawan ng pananambang at para makamit ng mga nasawing sundalo ang hustisya.

“We are assuring the Filipino people na itong mga perpetrators na ito ay talagang ma-ensure natin na they will face the full consequences ng kanilang action at para maibigay natin ang hustisya sa ating mga sundalo na nasawi at nasugatan,” ani Dema-ala.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble