Estate tax ng Pamilya Marcos, kinuwestyun ni Enrile

Estate tax ng Pamilya Marcos, kinuwestyun ni Enrile

KINUWESTYUN ni former Senate President Juan Ponce Enrile ang estate tax issue na ibinabato sa Pamilya Marcos na nagkakahalaga na ng P203-B.

Tinanong din ni Enrile sa mga abogado kung sino ba ang tax payer nito at sino ang dapat magbayad ng buwis ng estate.

“ ‘Yun bang mga eredero o ‘yung namatay. Baka sasabihin nila, ‘paano magbabayad ng tax ‘yung namatay?’ Hindi nila nalalaman na ‘yung estado o estate na tinatawag sa Ingles, ay ‘iyun ang tax payer eh, estate of the deceased, represented by the executor of the will, kung may will, or by the estate administrator, appointed by the court to gather all the assets and gather all the liabilities, and then, levied the assets after payment of taxes to the heirs, ‘yun ang prinsipyo ng estate tax eh, hindi naman namatay si Bongbong, bakit meron siyang estate tax?,” saad ni Enrile.

Ani Enrile, bakit sinisingil si Bongbong Marcos kung hindi pa nga nito natatanggap ang mga mana nito.

Bukod pa rito, sang-ayon din si Enrile na ang mga akusasyon na ito ay lumalabas sa panahon ng kampanya.

“Ang paningin ko, desperate na sila eh, desperate na ‘yung kalaban ni Bongbong, wala silang kalaban-laban eh. Tanungin mo maski sino. Kung pupunta sila rito sa aking lugar, sa ibang probinsya dito sa Norte hanggang sa Mindanao, marami akong mga kaibigan na taga-Mindanao, sinasabi ko, ‘malaki ba ang boto nitong sinasabi na pangalawang mataas?’ kalimitang sinasabi, sino ba ‘yun, sino ba ‘yun?” wika pa ni Enrile.

Naniniwala rin si Enrile na bayad ang mga taong pumupunta sa mga rally ng ilan sa mga presidential candidate na nagsasabing marami siyang supporter.

Aniya, hinahakot ito ng kani-kanilang mga organizer at sinasakay sa mga tricycle, jeep at mga bus.

 

Follow SMNI News on Twitter