Ex-BARMM Commissioner: Palasyo, ‘di sinunod ang kagustuhan ng MILF at MNLF sa BOL

Ex-BARMM Commissioner: Palasyo, ‘di sinunod ang kagustuhan ng MILF at MNLF sa BOL

HINDI sinunod ng Palasyo ang ilan sa mga kagustuhan ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF), dahilan kaya may hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang grupo.

Ito ang sinabi ng dating Commissioner at miyembro ng Bangsamoro Parliament, na kasalukuyang Direktor ng Al Qalam Institute na si Mussolini Sinsuat Lidasan.

Nakilala si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kaniyang mga reporma sa ekonomiya, kampanya kontra droga, paglaban sa korapsiyon, at malalaking proyektong pang-imprastruktura. Isa rin sa kaniyang legasiya ang pagsusulong ng kapayapaan.

Sa kaniyang termino, isinulong niya ang Bangsamoro Organic Law (BOL), na nagbigay-daan sa pagbuo ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ngunit ayon sa ilang kritiko, unti-unti itong nasisira sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Lidasan, may mga probisyong hindi sinunod ang kasalukuyang administrasyon. Aniya, hindi pa naipatupad ng gobyerno ang ilang bahagi ng GRP 1996 Peace Agreement, kaya naglabas ng pahayag ang MILF.

Dagdag pa niya, isa sa malinaw na paglabag ay ang pagtatalaga ng Chief Minister nang walang pagsasaalang-alang sa rekomendasyon ng MILF.

“The Bangsamoro Organic Law, hindi siya nasunod kasi the MILF should present their own recommendations to be appointed as members of the Parliament or the Bangsamoro Transition Authority. Pero hindi ‘yon ang nasunod—may inappoint at merong nilagay na Chief Minister ang Malacañang,” pahayag ni Mussolini Sinsuat Lidasan, Director, Al Qalam Institute, Ateneo de Davao University.

Matatandaang sinabi ni dating Defense Secretary Norberto Gonzales na may instability sa BARMM dahil hindi sinunod ng administrasyon ang mga nais ng MILF at MNLF.

Sa panahon noon ni dating Pangulong Duterte, nabigyan ang bawat grupo ng kalayaan na maipahayag ang kanilang opinyon at plano sa rehiyon. Pero ngayon, ayon kay Lidasan, kabaligtaran ang nangyayari.

“Noong panahon ni President Duterte, inclusive. Nabigyan ng space ang bawat grupo. They were given a chance to participate, they were given a chance to contribute their own opinions. Maganda ang takbo at maganda ang tinatawag nating autonomiya kasi talagang ibinigay sa Bangsamoro people,” ayon pa kay Lidasan.

“Pero ngayon, ang nangyari, hindi na autonomiya—parang kung anong gusto ng Malacañang, ‘yon ang nasusunod,” aniya pa.

Dagdag pa niya, walang ibang hangad ang mga Bangsamoro kundi ang kapayapaan. Pero aniya, hindi sila titigil hangga’t hindi nila nakukuha ang kanilang “independence” o kalayaan.

“Pagod na ang Bangsamoro people sa kaguluhan… pero may hangganan din ‘yan. Hindi naman pwedeng totally mag-give up kasi ang ipinaglalaban ng dalawa ay independence. Nagkaroon tayo ng peace agreement na pumayag sila na autonomiya ang ibigay sa kanila. Kaya kung makita ang sincerity ng gobyerno natin…” aniya pa.

“Madaling makausap ang mga tao, pero kung nakikita nila na walang sincerity, ‘yon ang problema,” dagdag pa nito.

Samantala, tinanggihan naman ni former Interim Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim ang alok ni Marcos Jr. na maging miyembro ng Parliament matapos italaga bilang bagong Interim Chief Minister si Abdulraof Macacua.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble