NA set-up! ganito inilarawan ng dating Kalihim ng Department of National Defense (DND) na si Norberto Gonzales ang sitwasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos itong iligal na inaresto ng Philippine National Police (PNP).
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Gonzales, sinabi niya na kaya niya nasabing na set-up si Pangulong Duterte ay dahil ganito rin ang ginawa noon ng administrasyong Marcos Sr. kay Ninoy Aquino.
“Kung titingnan mo, kung natatandaan niyo noong panahon ni Ninoy Aquino, ganyan-ganyan ang ginamit eh… Talagang parang naka-set up si Pangulong Duterte, hindi siya makakatakas diyan eh,” ayon kay Norberto Gonzales, Former DND Secretary.
Maliban dito, sinabi rin ni Gonzales na nakita ng buong sambayanan kung paano binastos ng mga pulis ang dati nilang Commander-in-Chief at dating Pangulo ng bansa—na minahal ng milyun-milyong Pilipino.
“Ang tinitingnan ng taong bayan, ‘yong manner ng pagkaka-aresto. Para bang hindi ginalang ang posisyon ni President Duterte. Dati siyang presidente eh… Dapat naman sana refined ‘yong pagkaka-aresto sa kanya kung kailangang talagang arestuhin,” saad ni Gonzales.
Binigyang-diin ni Gonzales na pinilit lamang ng gobyerno na hulihin si Duterte dahil sa matinding pulitika.
Giit niya, hindi naman talaga inutos ng INTERPOL ang pag-aresto sa dating pangulo, ngunit tila ipinilit ito. Dahil dito, aniya, may mga magtatanong kung nagamit ba ang naturang hakbang para sa partisan politics sa Pilipinas.
Dahil sa iligal na pag-aresto kay dating Pangulong Duterte, viral ngayon ang Pilipinas sa international community.
At para kay Gonzales, hindi ito nakatulong sa imahe ng bansa.
“Kung napapansin natin, si Putin ng Russia, si Netanyahu ng Israel… Hindi pumapayag ‘yong mga bansa nila na arestuhin sila, dahil ang ibig sabihin niyan, ipinapakita mo sa mundo na ang iyong justice system ay hindi gumagalaw ng maayos,” ani Gonzales.
Ang isyu ng paghuli kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi lamang isang usapin ng batas, kundi isang malaking hamon sa integridad ng sistemang panghustisya ng ating bansa. Sa pagkukumpara nito sa nangyari kay Ninoy Aquino noong panahon ni Marcos Sr., muling sumesentro ang tanong: Naging patas ba ang proseso, o may halong pulitika ba ang hakbang na ito? Habang patuloy na sinusuri ng publiko ang mga pangyayaring ito, isang bagay ang tiyak—ang imahe ng Pilipinas sa mata ng mundo ay kasalukuyang hinuhubog ng kontrobersyang ito.