HINDI nakadalo muli ang dating executive secretary na si Paquito Ochoa Jr. sa Senate hearing kaugnay sa PDEA leaks.
Sa naging hearing kahapon, Mayo 13 ay sinabi ng committee secretary na nag-positibo sa COVID-19 ang dating executive secretary.
Noong nakaraang linggo ay hindi rin nakadalo sa Senate hearing si Ochoa dahil sa “conflicting schedule” nito.
Matatandaang iniimbestigahan ng komite ni Sen. Bato dela Rosa ang sinasabing leaked document ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang tinutukoy na PDEA leaks ay isang pre-operation report kung saan makikita rito na naging target ng isang 2012 anti-drug operation ang noo’y senador at ngayoy Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Kasama pa umano dito ni Pangulong Marcos ang aktres na si Maricel Soriano ayon sa patotoo ng dating PDEA agent na si Jonathan Morales.
Dagdag pa ni Morales, si Ochoa ang humarang at nag-utos na huwag ituloy ang naturang operasyon.
Sinabi na nang kasalukuyang nasa PDEA na wala sa kanilang database ang kumakalat sa social media na leaked document.
Subalit para kay Sen. Dela Rosa, naniniwala siyang hindi gawa-gawa ang na-leaked na dokumento ng PDEA.