NANANATILING at large kasunod ng shootout ng awtoridad vs tauhan nito sa Sulu si Ex-Maimbung VM.
Nananatiling at large ang dating vice mayor ng Maimbung, Sulu na si Pando Mudjasan matapos ang engkuwentro sa pagitan ng kaniyang mga tauhan at tropa ng pamahalaan nitong weekend.
Patuloy na tinutugis ng Philippine National Police (PNP) si dating Maimbung, Sulu Vice Mayor Pando Mudjasan.
Sa panayam ng media kay PNP Public Information Office chief PBrig. Gen. Redrico Maranan, pinaigting nila ang seguridad at naglatag na rin ng checkpoint ang Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) upang malimitahan ang galaw ni Mudjasan.
Nabatid na isisilbi sana ng mga awtoridad ang limang warrant of arrest at dalawang search warrant laban kay Mudjasan nang mangyari ang mainit na palitan ng putok.
Ex-Maimbung VM Pando Mudjasan, posibleng kaanib ng BIFF—PNP
Sa ngayon, patuloy na inaalam ng PNP ang kaugnayan ni Mudjasan sa ilang lokal na terorista sa Sulu dahil na rin sa mga nasamsam na matataas na kalibre ng baril, magazines, bala, at iba pang gamit mula sa nasabing operasyon.
Bukod pa ito sa mga napapabalitang nagkakanlong ito ng ilang miyembro ng Abu Sayaf Group.
Full alert status, nananatiling nakataas sa Sulu—PNP
Patuloy na nakataas ang alerto sa buong lalawigan ng Sulu dahil na rin sa patuloy na banta ng mga lokal na terorista sa lugar habang pinaghahanap ang suspek.
Batay naman sa tala ng Armed Forces of the Philippines (AFP), isa ang patay habang may mga sugatan din sa panig ng pamahalaan, sugatan din ang dalawa sibilyan, habang tatlo naman ang patay sa hanay ng grupo ni Mudjasan at dalawa ang sugatan kasama na ang bise alkalde.