Ex-PDEA agent Morales humingi ng tawad sa inasal sa Senado

Ex-PDEA agent Morales humingi ng tawad sa inasal sa Senado

NAGING mainit sa Senado ang nangyaring sagutan nina Sen. Jinggoy Estrada at dating PDEA agent Jonathan Morales sa ikatlong pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa isyu ng PDEA leaks kung saan sangkot si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa nasabing hearing kasi ay tila napuno na si Morales sa paulit-ulit na pagbanggit ni Sen. Estrada sa nakaraan nito lalo na ‘yung mga naging kaso niya, kaya naman aniya nagawa nitong sagutin ang senador.

“Your honor parang hindi po maganda sa akin ‘yung sinasabi ni Sen. Jinggoy Estrada patungkol sa akin. Parang ako talaga ang hinuhusgahan. Ako’y may kaso pa lang at hindi pa napapatunayan sa hukuman. Hindi po kagaya ng ating butihing senador ay na-convict na po. ‘Wag naman po ganun,” Jonathan Morales, ex-PDEA agent.

 “Alam mo, Morales, ‘wag mo pakialaman ang kaso ko. ‘Yung kaso mo ang pakialaman mo,” Sen. Jinggoy Estrada.

Ang eksenang ‘yan sa Senado ay humakot ng iba’t ibang reaksiyon at viral ang mga ito sa social media ngayon.

Dahil dito, humingi ng pasensiya si Morales sa ginawa niyang pagsagot kay Estrada.

Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Morales, araw ng Martes, sinabi niya na hindi niya ginusto ang naging reaksiyon niya kay Estrada.

“Ako’y sasamantalahin ko na rin ang pagkakataong ito upang humingi ng paumanhin sa taong bayan at hindi ko po ninais na maging ganun ang aksyon ko sa butihing senador” ayon kay Morales.

Aniya nagawa niya lamang ito para ipaliwanag ang kaniyang sarili dahil hindi pa naman siya nahahatulan sa mga kasong isinampa laban sa kaniya.

Sinabi naman niya na imbes sana makakuha ng mabigat na impormasyon sa ikatlong pagdinig ng Senado ay natuon na ito sa paninira at pang-iinsulto sa kaniya ni Estrada.

“Dahil nakikita ko sa halip na maka-extract ng sustansiya kaugnay sa imbestigasyon na ito ay panay paninira lamang at irrelevant ‘yung kanyang mga ginagawa, hindi makakatulong ito sa ginagawang imbestigasyon at papaano siya makakabuo ng nararapat na batas kung paninira ang gagawin,” ani Morales.

Sa huli, muling nanindigan si Jonathan Morales na walang napala ang taong bayan sa mga ginagawang pang-iinsulto sa kaniya ng senador.

“Ganun pa rin wala naman pong ipinagbago kaya nga po nung tinanong niya ako na sinabi ko raw na hindi siya marunong mag-imbestiga opo harapan sinabi ko po sa kanya opo at ‘yun ay opinyon ko bilang imbestigador, tinanong niya din ako na sayang lang ang pasweldo sa kanya sabi ko opo bilang imbestigador ‘yun po ang opinyon ko” ani Morales.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter