Exemption na ibinigay ng COMELEC, posibleng bawiin sa DSWD

Exemption na ibinigay ng COMELEC, posibleng bawiin sa DSWD

KASABAY ng pagbubukas ng National Election Monitoring Action Center sa Kampo Krame, binigyang diin ni COMELEC Chairman Atty. George Garcia na hindi kailangan ang presensiya ng mga epal na politiko sa pamamahagi ng ayuda sa mga mahihirap na benepisyaryo.

Kasunod kasi ito ng kaliwa’t kanang pamamahagi ng ayudang-pinansiyal ng maraming kongresista at mga kumakandidatong politiko ngayong papalapit na midterm elections.

Ayon kay COMELEC Chairman Garcia, hindi kailangang may politiko sa mga lugar ng benepisyaryo dahil kaya naman aniya ito ng DSWD bilang pangunahing ahensiya sa pamamahagi ng tulong sa mga mahihirap na Plipino.

Kung magkagayon, nilinaw ng COMELEC na posibleng bawiin nito ang exemption na ibinigay sa mga programa ng DSWD kasama na ang AKAP kung mapatutunayang ginagamit lamang ito sa pamumulitika.

Naniniwala ang COMELEC na hindi patas para sa mga politikong walang access sa pondo ng bayan para makapangampanya sa pamamagitan ng AKAP o iba pang programa ng pamahalaan kapalit ang boto.

Nauna nang ikinadidismaya ni Baguio City Mayor Benjie Magalong ang tahasang pananamantala ng mga epal na politiko at mga mambabatas sa kaban ng bayan imbes na pagtuunan ng pansin ang paggawa ng angkop na mga batas.

“Ibigay sa DSWD o DOLE. Klaro sa Constitution ang trabaho ng mambabatas gumawa ng batas ‘yun lang,” saad ni Mayor Benjie Magalong, Baguio City.

Sa kabilang banda, maaari namang ipagpatuloy ang pamamahagi ng ayuda pero kailangang sumunod sa istriktong polisiya o limitasyon sa pagsasagawa nito.

Hindi umano kasi katanggap-tanggap na politiko pa ang nagdidikta kung sino-sino lamang ang kanilang bibigyan ng tulong.

“Professionals ang ating social workers. Hindi nila isasakripisyo ang kanilang lisensiya. No one will take advantage of public funds,” wika ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Ngayong Enero lang din pinahintulutan ng COMELEC ang AKAP at iba pang programa ng DSWD na ma-exempt sa election spending ban sa gitna ng paparating na midterm elections.

Pero, kung makikitaan ng tahasang pang-aabuso sa pondo ng bayan gamit sa pamamagitan ng pamumulitika lalo na para mang-akit ng boto mula sa mga benepisyaryo, hindi magdadalawang-isip ang COMELEC na bigyan ng leksiyon ang mga mapagsamantala at epal na politiko.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter