Expanded Solo Parents Welfare Act, ganap nang batas

Expanded Solo Parents Welfare Act, ganap nang batas

MAKATATANGGAP na ng karagdagang benepisyo ang mga solo parent sa bansa. Ito ay matapos na maging batas ang Expanded Solo Parents Welfare Act.

Ito ay matapos na ilabas ng Malakanyang ang kopya ng Expanded Solo Parents Welfare Act kung saan naging ganap na batas ito noong Hunyo 4 matapos itong magpaso at hindi malagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Nakapaloob sa Republic Act No. 11861, na ang mga solo parent na may minimum wage o mas mababa pa ay makatatanggap ng isang libong pisong subsidy.

Ang mga kumikita naman ng mas mababa sa 20K piso ay makatatanggap ng 10-percent discount at exemption sa value-added tax para sa ilang baby products gaya ng baby milk, food, vitamins, at diapers.

Maliban dito, makakukuha rin ng full scholarship sa TESDA ang mga solo parent na may edad 22 taong gulang pababa basta maabot ang itinakdang requirements.

Mabibigyan din ang mga ito ng 7-day paid parental leave mapa-pribado at sa pamahalaan man ito nagtatrabaho.

Otomatiko ring mapabibilang ang isang solo parent sa National Health Insurance Program.

Ilan sa mga kategorya ng pagiging solo parent ay ang mga namatayan ng asawa, pagkakaroon ng mental o physical incapacity, at legally or de facto separated ng hindi bababa sa 6 na buwan.

Magiging epektibo naman ang naturang batas pagkalipas ng 15 araw mula nang mailathala ito sa official gazette o sa newspaper na may general circulation.

Tinataya namang aabot sa halos 14 na milyong solo parent sa bansa ang makikinabang sa bagong batas.

Follow SMNI NEWS in Twitter