KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) kamakailan na nagkukulang na ang mga experimental drugs na ginagamit para sa mga COVID-19 patient.
Ayon sa inilabas na statement ng DOH, kakaunti na lang ang stock ng Remdesivir at Tocilizumab at ang mga natitirang suplay ng mga naturang gamot na ginagamit ng piling mga ospital ay donasyon ng World Health Organization (WHO).
“The current stocks of Remdesivir and Tocilizumab are running low. The remaining supplies being used by select hospitals are donations from the WHO (World Health Organization),” pahayag ng DOH.
(BASAHIN: Pandemya, magtatapos sa unang bahagi ng taong 2022 —WHO)
Ang Remdesivir ay isang Antiviral medication na isinama ng WHO sa trials para sa paggamot sa COVID-19.
Ngunit kalaunan ay tinanggal din ito sa trial dahil sa kakulangan ng ebidensya na epektibo ito sa naturang sakit.
Ang Tocilizumab naman ay isang anti-inflammatory drug na ginamit panggamot sa COVID-19.
Kasalukuyan din itong isinasailalim sa trials sa ibang bansa.
Ang Remdesivir at ang Tocilizumab ay ginagamit sa Pilipinas sa ilalim ng compassionate permit ng Food and Drug Administration (FDA).
Saad naman ng DOH, nanatili namang sapat ang suplay ng Dexamerhasone.
Ngunit kung hindi darating ang karagdagang stock, maaaring hanggang dalawang linggo na lang ito lalo na’t patuloy na tumataas ang bilang ng mga kaso.
“We have enough supplies for Dexamethasone. However if additional supplies do not arrive and considering the current trend of infection, supplies may only last for another 2 weeks at most,” ayon sa DOH.
Isang corticosteroid ang Dexamethasone na nakikitang nakatutulong sa mga critically ill na mga pasyente.
Hindi naman ito rekomendado para sa mga pasyenteng hindi severe ang impeksyon sa COVID-19 dahil sa mga side effect nito ayon sa WHO.
Para masiguro na hindi maantala ang suplay ng COVID-19 therapeutics, saad ng DOH, dadagdagan nito ng P5 milyong pondo ang bawat DOH hospital kabilang na ang mga ospital sa NCR, Central Luzon, at Calabarzon.
“To ensure unhampered supply of COVID-19 therapeutics, the DOH will be downloading P5 million to each DOH hospital including specialty hospitals in NCR, Central Luzon and CALABARZON,” ayon sa DOH.
Makatutulong anila ito para mapunan ng mga ospital ang kanilang COVID-19 medicine supply.
Ilang doktor ang nagpahiwatig ng kanilang pangamba ukol sa limitadong supply ng mga gamot ngayong patuloy na dumarami ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Karamihan sa mga kaso ay matatagpuan sa National Capital Region (NCR) at sa mga karatig probinsiya.