Extradition request ng PH gov’t para kay Arnie Teves, pasado na sa Ministry of Justice ng Timor-Leste—DOJ

Extradition request ng PH gov’t para kay Arnie Teves, pasado na sa Ministry of Justice ng Timor-Leste—DOJ

HINDI pa rin masabi ng Department of Justice (DOJ) kung kailan mapapauwi ng bansa si dating Cong. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na nahaharap sa patong-patong na kaso dahil sa pagkamatay ni Negros Oriental Gov. Roel Degamo noong Marso 4, 2023.

Pero ayon kay Justice Spokesperson Asec. Mico Clavano, lusot na sa Ministry of Justice ng Timor-Leste ang extradition request ng Philippine government para kay Teves.

Sa ngayon, hinihintay na lang nila na makapasa sa Court of Appeals ng Timor ang extradition ni Teves.

“Preparations is on the way, hinihintay pa namin ang Court of Appeals doon sa Timor-Leste dahil pinasa na ng Ministry of Justice ang ating request sa CA, ‘yong proseso po kasi diyan, dadaaan po muna sa screening ng Ministry of Justice ‘yong extradition request natin, pasado na po, finorward na po ang ating extradition request sa Court of Appeals,” ayon kay Asec. Mico Clavano, Spokesperson, DOJ.

Pero kung kailan lalabas ang desisyon ng CA sa request ng Philippine government, hindi pa masabi ng DOJ.

Ayon kay Clavano, wala silang magagawa kundi ang maghintay sa direksiyon ng gobyerno doon. Sa kabila nito’y umaasa ang DOJ na sa susunod na mga linggo ay lalabas na ang desisyon ng korte.

“Kailangan po muna nating maghintay, at maging patience sa desisyon ng Court of Appeals dahil hindi naman natin teritoryo ‘yon. We will just have to abide and comply to the direction and decision of the CA pero po ang timeline po natin diyan ay in the next few weeks, we hope to receive already the decision of the CA of Timor-Leste,” ani Clavano.

DOJ, kumpiyansa na mabubuo na sa susunod na mga linggo ang Environmental Case vs China

Samantala, tuluy-tuloy rin ang ginagawang paghahanda ng DOJ para sa mga isasampang environmental case laban sa China.

Ayon kay Atty. Clavano, umaasa sila na sa tulong ng Office of the Solicitor General (OSG) ay mabubuo na nila ang reklamo laban sa nabanggit na bansa sa mga susunod na linggo.

“Continuous po ang ugnayan o coordination ng DOJ, ng SolGen, dito sa environmental cases na ito. Kailangan ho natin, mapatibayin ang lahat ng mga ebidensiya, na kailangang i-attach sa ating complaint, although, confident naman po tayo na in a few weeks, ay mabuo na ‘yong ating complaint at ‘yong mga attachment na ebidensiya,” saad ni Clavano.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble