DINIPENSAHAN ni House Majority Leader Mannix Dalipe ang biyahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa Singapore para saksihan ang F1 Grand Prix ngayong taon.
Ani Dalipe, walang masama sa pagpunta roon ni Pangulong BBM dahil hindi lamang naman ang Chief Executive ang inimbitahan doon kundi ang ibang mga lider sa Southeast Asian Region.
Para kay Dalipe, nagpunta ang Pangulong Marcos doon para makipag-‘socialize’ sa kapwa nito state leaders at wala aniyang masama rito.
Giit din ni Dalipe na malaki ang role ni Pangulong Marcos bilang Presidente ng Pilipinas sa Asian Region kaya hindi maiiwasan na daluhan nito ang paanyaya ng iba pang mga karatig bansa.
“If you look at the political landscape of Southeast Asia, si President BBM ang tumatayong leader for Southeast Asia. So, hindi mo maiiwasan na imbitahin siya in that event where all other leaders of Southeast Asia are also invited,” saad ni Dalipe.
Ginawa naman ni Dalipe ang reaction matapos umani ng batikos at iba’t ibang reaksyon ang biyahe ni PBBM sa Singapore nitong weekend.