OPISYAL nang magdadala ng mga election materials ang F2 Logistics Philippines matapos itong maaprubahan ng Comelec en banc para sa 2022 election.
Inaprubahan ng Commission on Elections (COMELEC) ang F2 Logistics Philippines na siyang opisyal na magdadala ng mga election materials sa 2022 general elections.
Kabilang sa mga nasabing materyales ang mga automated election system-related equipment, vote counting machines (VCMs), mga balota, at iba pang mga suplay para sa May 2022 national at local election.
Ayon kay COMELEC Commissioner Marlon Casquejo, ang F2 ang pinaka-kwalipikadong bidder.
Sinabi rin ni COMELEC Spokesman James Jimenez na inaprubahan na ng en banc ang Notice of Award sa F2.
“The notice of award was approved by the en banc,” pahayag ni Jimenez.
Ayon naman kay Casquejo, ang pag-award ng kontrata sa F2 ay sumunod sa procurement rules ng Government Procurement Policy Board.
Aniya, nagkataon na ang F2 Logistics ang may pinakamababang presyo para sa deployment ng mga elections materials.
Sinagot naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang Kontra Daya, isang poll watchdog, matapos kinuwestyon nito ang pagkabilang ng F2 Logistics Philippines dahil sa umano’y may kaugnayan ito kay Dennis Uy, isang negosyante na naka-base sa Davao City.
“The COMELEC has the sole power to conduct elections, including (power) to award ‘yung mga kontratang gaya nito. Wala pong kinalaman ang Presidente diyan. COMELEC po ‘yan,” ani Roque.