WALANG pasok sa parehong pampribado at pampublikong paaralan sa lalawigan ng Pampanga kasabay ng naganap na nationwide transport strike.
Naglabas ng executive order si acting Governor Lilia ‘Nanay’ Pineda na nagkakansela sa lahat ng klase sa pampubliko at pampribadong paaralan dahil sa posibleng dulot at epekto ng transport strike na pinasimulan ng dalawang magkahiwalay na transport groups.
Hinikayat naman ni Lilia Pineda ang mga paaralan na magpatupad ng online, modular classes o iba pang alternatibong kasangkapan sa pag-aaral upang maiwasan ang pagbabago sa academic calendar ng mga guro.
Sa kabilang banda, nag-isyu rin si Mayor Carmelo Lazatin Jr. ng Angeles City, Pampanga ng parehong direktiba.
Kaugnay rito, ilan din sa lokal na pamahalaan sa Gitnang Luzon ang nagsuspinde ng face-to-face classes sa lahat ng lebel sa parehong public at private schools gaya ng Malolos City at Calumpit sa lalawigan Bulacan.
Samantala, magsasagawa naman ng hiwalay na tatlong araw na protesta ang Malayang Alyansa ng Bus Employees and Laborers (MANIBELA) hanggang Biyernes bunga ng papalapit na deadline para sa franchise consolidation applications ng public utility vehicle o PUV Modernization Program.