Face-to-face classes, tatalakayin sa cabinet meeting sa Pebrero 22

PAG-uusapan ang usapin patungkol sa face-to-face classes sa nakatakdang cabinet meeting na gagawin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Pebrero 22.

Kasama sa tatalakayin ang isyu ukol sa posibleng panganib na kaakibat ng pagpapahintulot sakali ng physical classes.

Noong Disyembre ng nakaraang taon, inaprubahan ni Pangulong Duterte ang pagsasagawa ng face to face classes sa mga low risk areas ng COVID-19 para sa Enero 2021.

Subalit, agad din itong binawi ng Punong Ehekutibo matapos makapagtala ng kaso ng bagong variant ng coronavirus sa bansa.

Nitong buwan naman ng Enero taong kasalukuyan, pinayagan na ng gobyerno ang pagkakaroon ng face-to-face classes sa medical schools sa mga lugar na nasa ilalim ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) upang matiyak na sapat ang dami ng medical workers lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Maliban dito, maaari ring magsagawa ng physical classes ang mga kolehiyo at unibersidad para sa medical courses sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ basta’t may base hospital para sa mga pasyente ng COVID-19.

Ang hakbang na ito ng pamahalaan ay upang hindi maubusan ng mga doktor ang bansa, ayon sa malakanyang.

Una nang iginiit ng mga nagtuturo sa medical schools na talaga anilang mahirap ang kanilang kurso kapag puro remote learning lamang.

SMNI NEWS