Facebook, dapat magpaliwanag sa ginawang censorship sa mga gov’t official  – mga senador

Facebook, dapat magpaliwanag sa ginawang censorship sa mga gov’t official – mga senador

NANINIWALA ang ilang senador na dapat magpaliwanag ang Facebook kasunod ng di makatuwirang censorship at pagtatanggal nito ng mga lehitimong mensahe na ipinost ng mga government officials.

Matatandaan na una nang nagpadala ng liham si Senator Bong Revilla, Chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media sa Facebook PH at humihingi ng paliwanag sa tila pagiging partisan nito at pagkokontrol sa mga gawain ng gobyerno.

“Kinakailangang magpaliwanag ang Facebook sa nangyaring pagtanggal ng posts ng ilang opisyal at tanggapan ng ating pamahalaan sa kanilang social media platform. Ano ang kanilang basehan upang pigilan at kwestyunin ang lehitimong mensahe at gawain ng pamahalaan,” pahayag ni Revilla.

Matatandan na ilan sa mga na-censor ng Facebook ay ang National Security Adviser at ang Philippine News Agency.

Maging ang post ni Commission on Higher Education Chairman Popoy De Vera ukol sa libreng edukasyon sa bansa ay hindi nakaligtas sa censorship ng Facebook.

Ayon kay Sen. Bato Dela Rosa, dapat linawin ng Facebook ang kanilang tinutukoy na community standard sa pagta-take down ng mga legitimate post.

 “Ang standard na mini-maintain nila according to them is community standard is apparently also against our own community standard,” ayon kay Dela Rosa.

“Dahil yong mga pinipost ng mga government agency at mga government official, ay very crucial yon para sa ikabubuti ng ating bansa bakit nila sinusupil,” dagdag pa ng senador.

Saad pa ni Dela Rosa, biased ang Facebook kay Vice President Leni Robredo na tumakbong pangulo sa hanay ng oposisyon.

Si Senator Koko Pimentel nagtataka rin sa mga galawan ngayon ng Facebook.

Aniya maari talagang isipin na dahil sa pulitika kaya nace-censor ang mga government officials ngayon.

“Dapat klaruhin ng Facebook kung ano ang kanilang polisiya nila. Kung government pronouncements naman yan hindi ko naiintindihan kung bakit icecensor ng Facebook ang mga government pronouncement,” pahayag ni Pimentel.

Maliban pa rito ay dapat aniyang sagutin ng Facebook ang iba pang isyu tulad ng paglaganap ng fake news sa kanilang platform at mga biktima ng bogus na item na nabibili sa pamamagitan ng Facebook.

“Panahon na talaga para magpaliwanag po itong mga giant internet websites, mga giant ito kasi 60 M ang mga kababayan natin nandiyan so marami po ang apektado,” ani Pimentel.

Ang dalawang senador ay nagpahayag ng interes na maidala ang usapin sa Senado.

Anila kung magpapatawag ng hearing si Revilla ay kanila itong susuportahan.

Ayon naman kay NTF ELCAC Spokesperson Usec. Lorraine Badoy na kung magkakaroon ng imbestigasyon ang Senado ay hindi nila maaring hindi isama ang Rappler sa kanilang pagdinig.

Ito rin ang unang pahayag ng ilang senador.

“Ang atraso ng Facebook sa atin is that out of the one fact checkers that they had allowed to fact check us would be Rappler and Vera Files that least credible, politically biased. This is the mouthpiece of the enemies of the state,” ayon pa ni Badoy.

Follow SMNI News on Twitter