INANUNSYO ng social media giant Facebook na mayroon na itong Blood Donations feature sa Pilipinas.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng Department of Health (DOH) at ng Philippine Red Cross (PRC).
Maaari nang mag-sign up ang publiko upang makakuha ng mga notipikasyon kaugnay sa pag-donate ng dugo at impormasyon sa malapit na blood service facilities ng DOH at PRC.
Simula pa noong Hunyo 2020, nananawagan na ang dalawang ahensiya sa mga Pilipino na mag-donate ng dugo dahil sa kakulangan sa suplay nito.
Dahil sa mga restriksyon dulot ng COVID-19 at pagtaas ng demand ng dugo, kailangan nang dagdagan ang reserba ng blood service facilities.
“The pandemic underscored the importance of blood donations across the Philippines. Through our partnership with Facebook, we hope to reach more potential donors and build a stable and safe supply of blood that can save lives,” ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III.
Simula ngayong araw makikita ng mga Facebook user na may edad 18 hanggang 65 ang Blood Donations feature sa kanilang feeds.
Sa pamamagitan ng pag-click nito, maaaring mag-sign up ang users upang makatanggap ng notipikasyon kaugnay sa pag-donate ng dugo sa Facebook at magtakda ng paalala.
Makikita rin ng mga user ang pinakamalapit na blood service facilities na nangangailangan ng blood donations maging ang pag-imbita sa pamilya at kaibigan na gumawa ng aksyon.
“Often potential donors don’t know where and when to donate, but from research we learned that when donors have information and opportunities to give blood, they step up to help their community. Together with the Department of Health and the Philippine Red Cross, we aim to help boost voluntary blood donations and build sustainable blood supply across the Philippines,” ayon kay Clare Amador, Head ng Public Policy ng Facebook Philippines.