MAY posibilidad na tatanggalin na ang polisiya sa pagsusuot ng facemask kapag maipatupad na ang Alert Level 0 ayon sa Department of Health (DOH).
Sinabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje na ito ang inilahad ni Health Secertary Francisco Duque III.
Ngunit mandatory pa rin ani Cabotaje ang pagsusuot nito sa mga lugar na kabilang sa 3Cs (closed, crowded, close-contact).
Dagdag ng health official, mananatili rin ang ibang minimum public health protocols, bentilasyon at maayos na hygiene.
Sa panig naman ng Metro Manila Development Authority (MMDA), kung ang mga local na pamahalaan ang tatanungin, nais pa rin nilang mapanatili ang pagsu-suot ng face mask sa Alert Level 0, lalo na sa mga lugar na siksikan.
Sa kabila nito, tatalima parin ang Metro Manila mayors sa magiging desisyon ng national government sa alert level status ng National Capital Region.
Matatandaang una nang inihayag ni Duque na mas mararapatin niyang mapalawig pa ang implementasyon ng alert level 1 para hindi mabigla ang publiko sa biglang pagpapatupad ng mas maluwag na alert system.
Pagdating naman sa COVID-19 vaccination, inihayag ng DOH na tuluy-tuloy pa rin ito sakaling mag-alert level 0 na. Tataasan lamang ang vaccination coverage.
Gagawin ding mas accessible ang mga serbisyo sa pagtutulungan ng local government unit at private partners.
“Kung ngayon sa Alert Level 1 ay 70%, taasan na natin para mag-Alert Level Zero lalung-lalo na iyong mga pagbabakuna ng ating senior citizen,” ani Cabotaje.
“At maging regular, may mga post na puwedeng puntahan kung sino ang gustong magpabakuna. So, tuluy-tuloy pa rin ang pagbabakuna,” dagdag nito.
Ngayong araw, nagkaroon ng pulong ang Inter-Agency Task Force para makabuo ng desisyon kung maaari na bang ilagay sa Alert Level 0 o hindi ang iba’t ibang bahagi ng bansa simula bukas, Marso 16.