PAIIMBESTIGAHAN sa Kamara ang isyu ng mabagal na rollout ng National ID.
Batay sa House Resolution 471 ni BH Party-list Rep. Bernadette Herrera, dapat mapanagot ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), National Economic and Development Authority (NEDA) at Philippine Statistics Authority (PSA) sa kanilang pagkukulang kung bakit hanggang ngayon ay marami pa rin ang walang national ID.
Giit ng kongresista, dapat may accountability ang mga nabanggit na tanggapan dahil sa mabagal na rollout ng programa.
“An accountability mechanism must be established to allow a closer look into what went wrong, or what may still be improved, in the implementation of the national ID system,” ani Herrera.
Mandato ng BSP na mag-produce ng 116-Million pre-personalized IDs mula 2021-2023 ngunit ayon sa Commission on Audit, mahigit P27-Million lamang ang nagawa ng Central Bank.
Bukod sa mabagal na rollout, paiimbestigahan din ang umano’y inaccuracy ng personal information, malabong ID picture at ang mga reklamo na hindi na nababasa ang national ID tatlong buwan pagkatapos itong matanggap.