FDA, hinimok na bigyan ng EUA ang ibang brand ng COVID-19 vaccines

HINIMOK ng isang mambabatas ang Food and Drug Administration (FDA) na aprubahan na agad ang emergency use authorization o EUA application ng ibang COVID-19 vaccines.

Ito’y para magkaroon ng maraming pagpipilian ang mga Pilipino sa gitna na rin ng laban ng pamahalaan sa pandemyang COVID-19.

Ayon kay BHW Partylist Representative Angelica Natasha Co, ginawa niya ang panawagan sa gitna ng mga isyu sa bakuna ng AstraZeneca.

Ang nasabing bakuna ay ipinagbawal muna ng DOH at FDA na gamitin ng mga taong edad 59 pababa.

Dahil dito ayon sa mambabatas, maraming Pilipino ang nagdadalawang-isip magpabakuna.

“Kaya naman kailangang maging klaro sa isip ng publiko kung ano ang benepisyo ng pagpapabakuna at kung anong brand ng bakuna ang nararapat sa kanila batay sa kakayahan ng kanilang katawan,” pahayag ni Co.

Diin ni Co, kailangang malinaw at madaling maintindihan ang enumeration na ilalabas ng DOH kung sinu-sino lang ang mga maaaring tumanggap ng AstraZeneca o Sinovac.

Kapag malinaw ang paliwanag, makatutulong ito upang mapawi ang pangamba ng publiko.

“Bottomline, kailangang maglabas ng malinaw na guidelines with matching infographics in Filipino, English, and major regional languages ang DOH, kung para kanino ba ang AstraZeneca, para kanino ang Sinovac, sino ang maaaring turukan ng Gamaleya, and so on,” dagdag ni Co.

Sa ngayon ang Sinovac, AztraZeneca at Pfizer ang nabigyan ng EUA sa Pilipinas.

Isang malaking bagay para sa atin na malaman kung ano ba ang nababagay na bakuna sa ating katawan para maibsan ang takot ng ating kababayan.

(BASAHIN: FDA Dir. Domingo, dinepensahan ang sarili sa panawagan na magbitiw)

SMNI NEWS