HUMIHINGI na ng impormasyon ang Food and Drug Administration (FDA) kay San Juan Rep. Ronaldo Zamora sa kanyang pagpapabakuna ng hindi awtorisadong doses ng Sinopharm COVID-19 vaccine.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, sumulat na siya kay Rep. Zamora upang makahingi ng impormasyon na makakatulong sa kanilang imbestigasyon at maituro sa kanila ang supplier ng Sinopharm.
Una nang inamin ni Zamora na nakatanggap siya ng dalawang doses ng Sinopharm vaccine noong Disyembre 2020 at kamakailan ay nakatanggap ng panibagong dalawang shots ng Pfizer vaccine bilang “boosters”.
Matatandaang binigyan lamang ng FDA ng Emergency Use Authorization (EUA) ang Sinopharm jab noong Hunyo 2021.
Sinabi ni Domingo na posibleng peke, substandard o kaya hindi na-handle nang maayos ang bakuna.
Pagbebenta ng pekeng negative COVID-19 test results, pinaiimbestigahan na
Inatasan ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Anti-Cybercrime Group (ACG) na imbestigahan ang umano’y pagbebenta ng pekeng negative COVID-19 test results.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, hindi nila papayagan ang ganitong scam at inaalam na nila ang mga nasa likod nito upang maaresto.
Base sa ulat, ginagamit ang pekeng negative RT-PCR test results bilang requirement sa pagbiyahe at binebenta sa halagang 1,000 piso bawat isa.
Nabatid na magbabayad lang ang bumibili para makakuha ng negative test result kahit hindi naman sumailalim sa mismong swab test.
Hinikayat naman ni Eleazar ang publiko na agad ipagbigay alam sa awtoridad kung may impormasyon sila hinggil sa nasabing iligal na aktibidad at ipinaalala na huwag itong tangkilikin.