NAKIPAG-ugnayan ang Food and Drug Administration o FDA sa kompanyang Pfizer kaugnay ng mga ulat na may nasawi matapos maturukan ng naturang brand ng bakuna.
Ayon sa ulat, namatay ang 23 senior citizen sa Norway ilang araw pagkatapos mabakunahan kontra COVID-19 gamit ang bakuna na gawa ng Pfizer.
Sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na nakipag-ugnayan na sila sa Pfizer para ma-update ang Pilipinas kapag lumabas na ang resulta ng mga pag-aaral kaugnay ng naturang insidente sa Norway.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa pitong milyon ang naturukan ng Pfizer.
“Ito naman po ang maganda na hindi po tayo ang pinaka-unang gumamit. As of this time, 7M na po ang nabakunahan ng Pfizer..mga matatanda ..kapag nagkaroon ng rollout na sa Pilipinas,” ayon kay Domingo.
Kaugnay nito, nagsagawa ng kaunting revision ang Norway sa patakaran ng kanilang vaccination kasunod ng pangyayari.
“Sa ngayon po, sa Norway, nagkaroon sila ng kaunting revision doon sa kanilang patakaran sa pagbabakuna. Dahil ginamit po nila ito sa matandang-matanda na maraming sakit at mahihina na including some terminally ill individuals…very frail at mahina na ang katawan,” ayon kay Domingo.
Sa pahayag ni Norwegian Medicines Agency Chief Doctor Sigurd Hortemo na sa ulat ng New York Post, posibleng nakaambag ang mga karaniwang side effect sa bakuna tulad ng diarrhea, lagnat, at pakiramdam na nasusuka sa pagkamatay ng ilang mahihinang pasyente.
Samantala, may banat si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga senador na tila pabor sa bakunang gawa ng American pharmaceutical firm na Pfizer.
Una nang kinukwestyon ng ilang mambabatas ang pagbili ng gobyerno ng China-based vaccines na anila’y sobrang mahal pero mababa naman ang efficacy rate.
Nabanggit ni Pangulong Duterte si Senator Risa Hontiveros na ipina-follow-up sa national government ang EUA approval ng Pfizer.
Sambit ng punong ehekutibo, pwedeng umorder ang pamahalaan ng Pfizer vaccines para sa mga senador.
Kamakailan lang, inaprubahan ng FDA ang aplikasyon ng Pfizer para sa emergency use authorization (EUA) nito sa bansa.