FDA, pansamantalang pinatitigil ang pagbibigay ng AstraZeneca shots

PANSAMANTALANG ipinatitigil ng Food and Drug Administration (FDA) sa Department of Health (DOH) ang pagbibigay ng AstraZeneca COVID-19 vaccine para sa mga edad 60 taong gulang pababa.

Ito ay matapos na matuklasan ng European Medicine Agency (EMA) sa United Kingdom ang blood clotting sa mga may mababang platelet count matapos maturukan ng naturang bakuna (COVID- 19).

Sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na ginawa nila ang rekomendasyong ito habang naghihintay ng dagdag ebidensya at abiso mula sa mga lokal na eksperto at sa World Health Organization (WHO).

“We asked DOH (Department of Health) na kung meron pa pong natitirang AstraZeneca vaccines siguro ay ‘wag muna nating gamitin sa mga people below 60 years old until we get clearer evidence and guidance from WHO, tsaka sa atin pong mga experts,” ani Domingo.

Sinabi rin ni Domingo na kakaunti na rin lang naman ang natitirang AstraZeneca vaccines at sa susunod na buwan pa darating ang batch ng nasabing bakuna kung saan may sapat na panahon pa para pag-aralan ang bakuna.

“So that will give us time to study the evidence and to see kung magkakaroon po tayo ng panibagong guidance sa paggamit ng AstraZeneca vaccine if we will have new guidance on the use of AstraZeneca vaccine,” ayon kay Domingo.

Matapos suriin ng Immunization Committee ang paggamit ng naturang bakuna, ay wala namang naitalang kaso ng blood clotting at mababang platelet count sa bansa.

SMNI NEWS