FDA, wala pang kasiguraduhan sa paggamit ng ASF vaccine sa commercial farms

FDA, wala pang kasiguraduhan sa paggamit ng ASF vaccine sa commercial farms

MAY ilang lugar pa rin sa bansa ang apektado ng African Swine Fever (ASF).

Ang ASF ay may mortality rate na halos 100% na kapag tinamaan ang isang babuyan ay kadalasang kinakailangang patayin ang lahat ng alaga upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Sa pinakahuling datos ng Bureau of Animal Industry (BAI) nasa higit 400 lugar pa sa bansa ang nasa red zone o apektado pa rin ng ASF.

Kaya, panawagan ng mga nasa sektor ay dapat madaliin na ang pagpapalabas ng bakuna kontra ASF na magagamit sa mga commercial farm.

Una na ring nilinaw ng Department of Agriculture (DA) na nasa Food and Drug Administration (FDA) ang bola.

Pero, ayon sa FDA patuloy pa itong pinu-proseso bagamat una na itong nabigyan ng Monitored Release Certificate of Product Registration (CPR).

Pero, paglilinaw ng FDA na ito ay bahagi lamang ng post-approval commitment compliance.

“Kung ito naman ay maco-comply ng nag-apply ay maaari na siyang maging CPR. Bagamat, ngayon ay mayroon isang balakid dito kasi post approval commitment po ‘yun. Mayroon kasing question o pagtatanong tungkol sa pre-approval na sa ngayon ay sumasailalim sa fact finding committee o investigation ng FDA,” pahayag ni Atty. Paolo Teston, Director General, FDA.

Dagdag pa ng opisyal, hindi nila maaaring isakripisyo ang kaligtasan at kalusugan ng publiko at mga hayop para lang mapabilis ang pag-apruba sa bakuna.

“Kung puwede kong sabihin na yesterday ang timeline namin. We cannot compromise ‘yung safety ng produkto na gagamitin sa ating mga livestock,” dagdag ni Teston.

Sa tanong kung posible pa rin bang magamit ang ASF vaccine sa commercial farms ngayong taon:

“Tingin ko naman kung maayos naman ang submission ng nag-aapply ay posible naman this year. Pero, kailangan namin sagutin ‘yung iba pa pong isyu kasama ‘yung pre-approval,” aniya.

Target na 2M baboy kada taon, malabong makamit kung mabagal ang ASF vaccine rollout—Pro Pork

Nababahala naman ang Pork Producers Federation of the Philippines kung matatagalan pa ang pag-apruba ng bakuna na gagamitin sa commercial farms.

Aminado ang grupo na kulang ang produksiyon ng karneng baboy sa bansa dahil sa epekto ng ASF.

“Ang direksyon ng gobyerno natin ay food security ay dapat padamihin ang baboy. Paano, dadami ‘yung baboy kung wala tayong depensa sa sakit. So, ito ‘yung hinihingi namin na mapabilis ang pag-apruba sa registration ng ASF vaccine,” wika ni Eric Harina, President, Pork Producers Federation of the Philippines.

Sa oras aniya na hindi mapadali ang paglalabas ng bakuna ay maaaring hindi maabot ang 2 milyong alagang baboy kada taon.

“Bumaba nga ‘yung suplay ng baboy natin 14 milyon before ASF and after ASF ay nasa 8 milyon na lang tayo. So, may tatlong taon tayo para mag-produce ng 6 million para ma-achieve natin ‘yung previous population ng pigs,” dagdag ni Harina.

Babala ng industriya kung hindi kasi maagapan ito ay mas lalong maapektuhan ang presyuhan ng karneng baboy sa pamilihan.

Batay sa monitoring ng DA, naglalaro pa rin sa P350–P430 ang presyo ng pork kasim at pigue.

Habang P385–P490 ang presyo ng pork liempo sa mga pamilihan sa Metro Manila.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble