NANANATILING bagsak ang presyo ng palay sa ilang probinsiya sa Central Luzon, kabilang na ang Pampanga at Isabela, ayon sa Federation of Free Farmers (FFF).
Sa ngayon, ang presyo ng palay ay bumagsak pa sa P11–P13 kada kilo sa mga trader na bumibili mula sa mga lokal na magsasaka, kahit pa anihan na.
“Masyadong matindi ang sitwasyon ng mga magpa-palay ngayon. So, parang kamatis, masyadong bagsak ang presyo, better pabayaan na lang ng farmer ‘yung kamatis niya. So, dapat bigyan naman natin ng sapat na minimum na take compare ang mga farmer natin,” wika ni Leonardo Montemayor Former DA Secretary & Chairman, FFF.
Dahil sa karamihan ng mga trader na binabarat ang mga magsasaka, marami ang napipilitan nang ibenta ang kanilang mga lupain dahil sa matinding pagkalugi.
Bukod rito, hindi rin makabili ang National Food Authority (NFA) ng palay mula sa mga lokal na magsasaka, dahil sa kakulangan sa mga storage facility na kinakailangan upang maipon at mapreserba ang ani.
Dahil sa mga patuloy na hamong ito, nananawagan ang grupo sa gobyerno na aksyunan ang problemang matagal nang nagpapahirap sa sektor ng pagsasaka.
Isinusulong din ng Federation of Free Farmers (FFF) ang pagpapatupad ng Minimum Palay Buying Price (MPBP), na katulad ng ipinatupad na Maximum Suggested Retail Price (MSRP) sa bigas at karneng manok. Ang hakbang na ito ay naglalayong maprotektahan ang mga magsasaka mula sa patuloy na pang-aabuso at bigyan sila ng tamang halaga para sa kanilang produkto.
“Ang initial calculations namin tungkol dito doon sa tuyo na palay, ang minimum price should be around P20 per kilo, at P20 per kilo ay actually ang magiging take compare ng farmer on a monthly basis ay would be around P3,400 per hectare per bawat harvest, so maliit ‘yun P3,400 sa isang buwan. Karamihan ng mga farmer natin nasa 1 hectare or a little bit of 1-hectare ang kanilang sinasaka so minimum dapat ganon,” ani Montemayor.
Bagamat hindi ito sapat na kita kumpara sa mga minimum wage ng mga manggagawa sa Metro Manila, makatutulong ito upang hindi mabarat ang mga magsasaka ng mga trader.
Mapipilitan kasi ang mga trader na bilhin ang palay ng mga magsasaka sa presyong pasok sa MPBP.
Ayon sa FFF, kung maipatupad ang MPBP, hindi papalo sa P60 ang bentahan ng bigas sa mga pamilihan.
“Kasi, kung at P20 na minimum buying price ng trader, ang katumbas niyan na presyo ng bigas ay i-times 2 mo ‘yung buying price ng palay. So, P20 times 2 ang equivalent na presyo niyan ng bigas sa palengke ay would be P40, so I think P40 ay it’s very reasonable price para sa ating consumer,” dagdag pa nito.
DA, pag-aaralan ang Minimum Palay Buying Price na ipinanawagan ng grupong FFF
Sa panig naman ng Department of Agriculture (DA), pag-aaralan ng ahensiya ang suhestiyong ito ng grupong FFF.
Sa text message ni DA Secretary Francisco Laurel Jr. sa SMNI News, tinitingnan na aniya nila kung may ganito nang ipinatupad sa ibang bansa at kung paano ang ginawang sistema.
Kailangan aniya muna itong suriin ng maayos kung legal ba ang mga hakbang na ito.
“We are checking sa ibang bansa if may precedent ito and ano system sa iba and sa atin naman ano legality nito. We are exploring this,” pahayag ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Bukas naman umano si Sec. Tiu sa suhestiyon, ngunit binigyang-diin niya na nakadepende ito sa kung ang hakbang na ito ay nakasaad na sa batas.
Ayon kay Sec. Tiu, magiging hamon ang pagpapatupad ng Minimum Palay Buying Price kung hindi ito nakasaad sa umiiral na mga regulasyon. Kung walang sapat na regulatory powers ang DA at NFA, magiging mahirap tiyakin ang tamang implementasyon nito. Posible rin aniyang hindi ito sundin ng mga pamilihan, na maaaring magdulot ng karagdagang komplikasyon sa merkado at mga magsasaka.
“I want if feasible, but it really depends if naisabatas ‘yan. Then, it can be feasible without the batas and regulatory powers of DA or NFA then mahirap implement at sundin ng market,” aniya.