SA isang resolusyon na inilabas ni Lapu-Lapu City Mayor Junard Chan, inihayag nito ang kahilingang ideklarang “persona non grata” sa kanilang lungsod ang Fil-Am rapper na si Ez Mil.
Ito’y kasunod sa kontrobersyal na lyrics sa kanta nitong “Panalo” kung saan nabanggit ang bayaning Cebuano na si Lapu-Lapu.
Naging kontrobersyal ang rapper dahil sa linya ng kanta na “Nanalo na ako nung una pa na pinugutan si Lapu sa Mactan.”
Sa isang FB post ng anak ni Mayor Jun na si Jasmine, sa umpisa ng kanta ni Ez, maging ang tunog nito ay nagustuhan naman daw niya ngunit pagdating sa ilang bahagi ng kanta ay hindi nila nagustuhan ng kaniyang ama.
Sa panig naman ng Fil-Am rapper, nag-sorry ito matapos makaani ng pamba-bash sa publiko.
Bagama’t nag-sorry si Ez, humiling pa rin ang city of Lapu-Lapu ng public apology mula sa rapper-singer kaugnay sa nagawa nitong maling lyrics at istorya sa kanta na hindi akma sa kasaysayan at sa totoong nangyari sa kauna-unahang bayaning si Lapu-Lapu.
Ani Chan, dapat din umanong respetuhin ang bayani at hindi kutyahin.
Hihilingin din ngayon ni Chan sa city legal department kung anong aksyon ang posibleng ipapataw sa nasabing rapper.
“Nasuko ko, naglagot ko. Nagpataka lang siya himo og istorya. Unsa man nang iyaha, bahala og sayop basta kay aron siya mosikat? Dako’ng bugal-bugal ang iyang gihimo sa atong hero nga angay natong respetaran, dili bugal-bugalan. (Naiinis ako, nagalit ako. Gumawa siya ng hindi tamang istorya. Anong gusto niya, bahala na magkamali basta sumikat? Malaking kasinungalingan ang kaniyang ginawa sa ating bayani na dapat igalang at hindi dapat paglaruan),” pahayag ni Chan.
Marami sa mga netizens ang nagulat sa desisyong ito ng Lapu-Lapu City government na anila, nag-sorry naman na daw si Ez Mil, at inamin ang pagkakamali kaya di na dapat palakihin pa at gawan ng malaking isyu.
Pero para sa para ilan, malaking bagay ang tamang kwento ng kasaysayan ng bansa.
Sa ngayon wala pang komentong inilabas ang National Historical Commission of the Philippines kaugnay sa naturang isyu.