KASALUKUYANG isinasagawa ang huling necrological service ng pamilya Biazon para sa mga labi ni dating Senador at AFP Chief Rodolfo Biazon sa Holy Trinity Chapel ng Philippine Marine Corps, Fort Bonifacio, Taguig City.
Matapang at matatag na nagpaabot ng kaniyang pasasalamat at lubos na pagmamahal sa huling pagkakataon ang asawa ng senador na si Monserrat Bunoan-Biazon sa mga panahon na buhay pa ito at nagsakripisyo para sa kanyang pamilya at mga anak.
Ayon kay Ginang Monserrat, wala siyang pinagsisishan na napangasawa niya si Senator Pong at ipinagmamalaki rin niya ang mga naabot ng asawa at nagawa nito para sa bansa.
Sumunod na nagbigay ng kanyang pagpapasalamat ang anak nito na si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon at bahagyang emosyonal habang inaalala nito ang namayapang ama.
Kasabay rin nito ang kanilang pagpapaabot ng pasasalamat mula sa suporta na ipinakita ng mga kaibigan sa military service, Kamara, Senado at publiko.
Ililibing ang mga labi ni Senator Pong Biazon, araw ng Martes June 20, 2023 sa Libingan ng mga Bayani, Taguig City.