HAYAGANG sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na gusto na nitong mawala ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Kamakailan ay nasa mahigit isang libong dayuhan na naging biktima ng human trafficking ang iniligtas mula sa opisina ng CGC Technologies, Inc., isang lisensiyadong POGO service provider.
Nakapaghain na ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang mga awtoridad laban sa mga nasa likod ng naturang ilegal na aktibidad.
Bilyon-bilyon ang sinasabing kinikita ng bansa sa POGO pero sa kabila nito naniniwala si Diokno na dapat nang mawala sa bansa ang mga POGO.
Saad ni Diokno, hindi malaki ang tama sa revenue ng bansa sakaling tuluyan na itong mawala.
Ang dapat aniya isaalang-alang dito ay ang reputational risk ng POGO sa bansa.
Maliban diyan, dagdag gawain pa aniya sa mga awtoridad ang pagmomonitor sa mga POGO.
Hirit ni Diokno, marami pang ibang paraan at mapagkukunan ng revenue ang gobyerno maliban sa POGO.
Ang DOJ, sunud-sunod na ang ginagawang pagpapa-deport sa mga POGO workers.