NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act no. 11523 o mas kilala bilang Financial Institutions Strategic Transfer (FIST) Act.
Iginiit ni Presidential spokesman Harry Roque na napapanahon ang pagpasa ng naturang batas lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ani Roque, pinapalakas ng FIST Law ang financial sector na kinakailangan sa muling pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng nasabing batas, pahihintulutan ang mga bangko o financial institutions na mag-unload o ibenta ang mga non-performing assets (NPA) sa mga hiwalay na entities, o sa FIST companies.
Sa paraang ito, mapoprotektahan ang kapital ng mga ito at mas marami pa ang mapapautang, na siya namang makatutulong sa pagpapatibay ng financial sector ng Pilipinas at sa agarang pag-recover ng ekonomiya.
“Kasama nito ang pag-address ng non-performing asset problems of the financial sector; paghikayat ng private sector investments sa mga non-performing assets; pagtanggal ng mga hadlang or barriers sa pagkuha or acquisition ng non-performing assets; pagtulong sa rehabilitasyon ng naghihirapang negosyo or distressed businesses; pag-improve sa liquidity ng financial system,” pahayag ni Roque.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang batas nitong Pebrero 16, 2021 at nagpasalamat naman ang Palasyo sa Kongreso sa pagsasabatas ng RA 11523.
Kung maalala, isa mga sinertipikahan ni Pangulong Duterte bilang urgent measure ang FIST Act na may layong makatulong sa pagtugon sa epekto ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Inihayag pa ni Roque na kinikilala ng estado ang mahalagang papel ng mga bangko at financial institutions.
“Mahalagang papel po ng mga bangko at financial institutions as mobilizers of savings and investments and in providing the needed financial system liquidity to keep the economy afloat. Dahil dito, kinakailangan na ang mga bangko at iba pang financial institutions na ma-maintain ang kanilang financial health,” aniya pa.
Nananatili naman ang layunin ng pamahalaan na pasiglahin muli ang ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng fiscal at economic reforms kasabay ng rollout ng mass vaccination program.