HINIHIKAYAT ng Finnair, ang national carrier ng Finland ngayong linggo ang kanilang mga pasahero sa Helsinki Airport na boluntaryong magpatimbang kasama ang kanilang bagahe bago sumakay sa kanilang flight.
Ngunit hindi na kailangan pang magpapakilala ang mga ito.
Ayon sa spokesperson ng Finnair, layunin lang nila na magkaroon ng sariling datos para sa winter at summer season hinggil sa kabuuang timbang ng mga sumasakay sa mga eroplano.
Kailangan anila ito para sa aircraft loading calculations sa 2025 hanggang 2030.
Hindi naman pagmumultahin ang mga pasahero dahil sa kanilang timbang at hindi rin ito isasapubliko.
Ang pangangalap ng datos ay magtatagal hanggang buwan ng Mayo at nasa 800 na ang nakiisa dito.
Noong Hunyo 2023 ay may ganito ring nangyari sa New Zealand para sa kaparehong layunin.