Mga pumaslang sa isang Pilipina sa B.C., kinasuhan ng first degree murder

Kinasuhan na ng first degree murder ang mga akusado sa pagpatay sa isang Pilipina sa British Columbia.

Isang 21 taong gulang na lalaki at 15 taong gulang na menor de edad ang nakasuhan ng first-degree murder matapos ang nasunog na katawan ng isang babae ay natagpuan sa isang parke sa Burnaby, B.C.

Inihayag ng mga imbestigador na dalawang indibidwal na ang nakasuhan ng first degree murder matapos matuklasan ang labi ng isang Pilipina sa Burnaby Park noong nakaraang linggo.

Ang akusado ay isang 21 taong gulang na lalaki na nagngangalang Carlo Tobias at isang 15 taong gulang na menor de edad na hindi pinangalanan ng mga awtoridad.

Ang mga akusado umano ang pumatay sa 49 na taong gulang na si Maria Cecilia Loreto na isang Pilipina at natuklasanang nasunog ang katawan sa Greentree Village Park noong ika-18 sa buwan ng Marso.

Ayon kay Sgt. Frank Jang, spokesperson ng Integrated Homicide Investigation Team, pinaniniwalaan ng mga awtoridad na sa bahay nito pinatay si Loreto sa New Westminster noong gabi ng ika-17 ng Marso.

Tinawag umano ang mga pulis ala-una ng madaling araw kung saan natuklasan ang nasunog nyang katawan.

Ang pagkakatuklas na ito ay nagdulot naman ng pangamba sa mga residente malapit sa parke at sinabing maaaring ang kanilang komunidad ay hindi ligtas.

Ayon kay Jang normal lang na matakot ang mga residente pero nilinaw na isolated case lamang ito at hindi ito nangangahulugan na hindi ligtas ang komunidad malapit sa pinangyarihan ng krimen dahil hindi rin umano ito drug related at hindi rin gang related.

Si Loreto ay nagtatrabaho umano sa East Vancouver grocery store at isang migrante sa Canada mula sa Pilipinas.

Napag-alaman ring aktibong miyembro ng Local Filipino Community si Loreta at palaging nagboboluntaryo sa pagkanta sa mga lokal na aktibidad. Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at haharap rin sa korte ang dalawang akusado pero wala pa namang pahayag na inilalabas ang Philippine Embassy sa Vancouver ukol rito.

 

(BASAHIN: Canada, makikilahok sa isang moon mission sa pinakaunang pagkakataon)

SMNI NEWS