INIHAYAG ni OIC Assistant Secretary Hector Villacorta na mas naging talamak ang fixer simula nang lumipat ang Land Transportation Office (LTO) sa e-governance.
Ayon kay Villacorta, maraming nagka-fixer nang lumipat ang LTO sa e-governance dahil karamihan sa mga nag-a-apply na driver ay walang gaanong kaalaman sa computer.
Kaya naman aniya, kailangan nilang lumipat sa hybrid system at magbigay ng karagdagang tulong sa mga walang alam sa pag-operate ng computer upang hindi na sila lumapit sa fixer sa kahabaan ng East Avenue.
Bukod dito, inanunsiyo rin ni Villacorta na pinag-aaralan nila ang posibilidad ng pagtanggal sa comprehensive exam sa mga magre-renew ng kanilang driver’s license.