Flights na maapektuhan sa gagawing maintenance activity sa radar sytem sa Mayo 17, iilan na lamang—CAAP

Flights na maapektuhan sa gagawing maintenance activity sa radar sytem sa Mayo 17, iilan na lamang—CAAP

NAG-anunsiyo ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na maliit na bilang lamang ng flights ang maaapektuhan sa gagawin nilang Air Traffic Management Center (ATMC) corrective maintenance activity sa Mayo 17.

Mula sa 6 na oras ay ibinaba na lamang sa 2 oras ang nakatakdang maintenance activity sa radar system ngayong Mayo 17.

Kinumpirma ni CAAP spokesperson Eric Apolonio sa Laging Handa briefing na isasagawa ang corrective maintenance activity mula 2am – 4am sa darating na Miyerkules, Mayo 17.

Dagdag pa ni Apolonio na magiging sapat naman aniya ang 2 oras upang magawa ang mga kailangan sa aktibidad.

Wala rin aniyang flights na maaapektuhan sa Mactan-Cebu International Airport (MCIA), habang sa Clark International Airport, ay 4 na regional flights ang maaapektuhan.

Ang AirAsia Philippines ay mayroong 14 adjustment ng flight sa Mayo 16-17 habang 6 na flights naman ang makakansela sa Mayo 17.

Bagamat wala pang detalye na ibinibigay ang Philippine Airlines ay tiniyak naman nito na wala silang maapektuhang flights.

Matatandaan, unang isinagawa ang corrective maintenance ng CAAP sa Air Traffic Management Center (ATMC) pero wala rin naapektuhang flight maliban sa isinagawang adjustment na oras ng flights ng PAL.

Paliwanag ni Apolonio, kailangan gawin ang ikalawang corrective maintenance sa ATMC upang sakaling magkaroon ng failure ay mayroon pang back-up system na kasama, kaya maliit na lang ang tsansa na magka-problema pa.

Paalala rin ng CAAP sa mga maapektuhang flights sa Mayo 17 ay kailangan lamang makipag-ugnayan sa kanilang Airline.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter