ISA na namang mega project ng pamahalaan ang nakatakdang buksan ngayong taon, ang Imus at Bacoor retarding basin na magiging flood control facilities sa mga nasabing mga lugar sa lalawigan ng Cavite.
Tutugon ang proyekto na ito sa matagal nang problema sa baha sa Cavite at bubuksan ang mga nasabing pasilidad bago magtapos ang taong 2021.
Nasa 85% na ang completion rate ng nasabing mega project ng pamahalaan sa pangangasiwa ng DPWH.
Binubuo ito ng malawak na pond area na magiging tambakan ng tubig baha na manggagaling sa ilog ng Imus at creeks sa mga karatig lugar tuwing may malalakas na pagbuhos ng ulan o bagyong nararanasan ang bansa.
Kabilang ito sa Flood Risk Management Project ng DPWH na layong tugunan ang problema ng mga pagbaha sa mga mabababang lugar sa Cavite.
Katabi ito ng Bacoor River na may lawak na 35 ektarya at may P2.2-B cost ng project.
Batay sa magiging silbi ng retarding basin, sasaluhin nito ang mga tubig na nanggagaling sa Bacoor river upang pigilang umapaw ang ilog at maiwasan ang pagbaha papasok sa mga katabing mga lugar.
Ayon kay Cavite Governor Junvic Remulla, malaking tulong ito para makaahon na ang mamamayan mula sa mapapait na karanasan tuwing may malalakas na pagbuhos ng ulan sa Metro Manila.
Mabilis na naisasakatuparan ang proyekto sa tulong ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Matagal nang kaagapay ang JICA ng pamahalaan sa iba’t ibang imprastruktura na itinatayo sa bansa.
Mula sa mga tulay, mga daan at iba pang proyektong pang-ekonomiya.