PAG-iisahin ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang flood control programs sa Metro Manila.
Magkakaroon ng harmonization sa mga programa sa Metro Manila laban sa palagiang pagbaha.
Instant swimming pool ang maraming lugar sa Metro Manila kapag labis ang mga pag-ulan.
Ang problemang ito ay matagal nang pasanin sa mga residente ng Kalakhang Maynila.
Kaya bilang solusyon, nais isulong ni Interior Secretary Benhur Abalos ang pag-isahin ang lahat ng flood-control programs sa Metro Manila.
“If we could just sit down, look at the urban plan of each city, harmonize it as a whole of Metro Manila. Nasaan ang park mo? Ang walkway mo? Nasaan ang mass transport system mo? Napakalaking bagay nito,” ayon kay Sec. Benhur Abalos, Department of Interior and Local Government.
Binubuo ang Metro Manila ng 17 mga lokal na pamahalaan na may kaniya-kaniyang flood control programs.
At ayon sa tumatayong pinuno ng Metro Manila Mayors na si San Juan City Mayor Francis Zamora, mainam ang mungkahi na magkaroon ng iisang plano kontra baha.
“Yung ating flood control development plan ay inaayos na po natin. Ibig sabihin, maglalaan talaga ng pondo ang MMDA upang planuhin po ang ating drainage systems sa kabuuan ng Metro Manila,” pahayag ni San Juan City Mayor Francis Zamora, President, Metro Manila Council.
Diin ng alkalde na iba na ang panahon ngayon kumpara dati.
Lalo na’t marami nang mga residente sa Metro Manila kaya mataas ang demand sa tubig.
Ang resulta dito mataas na water waste.
At ang solusyon, lakihan ang kapasidad ng drainage system.
At ipahanap at ipaayos ang lahat ng kanal at daluyan ng tubig.
Diin ni Secretary Abalos, nagawa na ng Metro Manila Mayors na magkaroon ng unified ticketing system sa road violations.
Bagay na magagawa rin aniya para pag-isahin ang mga plano kontra baha.
“Kailangan we work as one together eh. It’s so hard working alone,” ayon pa kay Abalos.
“Tayo naman po ay nasa unang taon pa lamang ng Administrasyong Marcos so meron pa tayong limang taon upang tapusin ang masterplan na ito. And not just the master plan but also the actual implementation,” dagdag ni Zamora.