LUBHANG ikinababahala ni Sen. Mark Villar ang naranasang matinding pagbaha sa Metro Manila at mga karatig probinsiya nito kamakailan.
Sa kauna-unahang pagkakataon kasi ay parang wave pool ang baha sa labas mismo ng Senado. Mas malala naman ang situwasyon sa iba’t ibang lugar.
Sa isang exclusive ambush interview sa Villar Sipag Awards sa Parañaque, sinabi ni Sen. Villar na laking gulat niya kung bakit umabot sa Senado ang baha at maging ang parking area nito ay halos abot-tuhod rin ang lebel ng tubig.
Sinabi rin niya na bilang miyembro ng Public Works Committee ay magsusumite siya ng resolusyon para agad itong maimbestigahan ng Senado.
Kabilang aniya sa gustong imbestigahan ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Nakita namin first time na bumaha ang Senado. Kakausapin ko ang DPWH. Gusto ko ring malaman kung anong bago, bakit bumaha sa Senado at sa mga ibang areas, marami, nakita natin ‘yung effect so kailangan malaman natin kaagad kung ano ang naging cause,” pahayag ni Sen. Mark Villar.
Para kay Sen. Mark na dati ring kalihim ng DPWH – posible na may kinalaman ang mga reclamation project sa Manila Bay sa matinding pagbaha.
Ang Senado ay katabi lamang ng isang reclamation site sa Manila Bay.
Aniya, dapat na matukoy ng DPWH kung ano at saan banda ang problema.
Ang DPWH din kasi ang pangunahing ahensiya na nagtatayo ng mga flood control projects.
“I think that is very possible. So kailangan talaga makipag-coordinate sa DPWH dahil sila ang experts sa baha. Marami pong experts sa DPWH. Kailangan ma-confirm natin sa lalong madaling panahon kung ano ba talaga ang main cause. Sa tingin ko may effect din naman,” dagdag ni Sen. Mark.
Pero para kay Senadora Cynthia na kilalang environmentalist – nakatitiyak siya na ang reclamation sa Manila Bay ang dahilan ng mabilis na pagtaas ng lebel ng tubig.
Sinabi niya na posibleng nahihirapan sa paglabas ng tubig papunta sa dagat ang ilog na katabi lang din ng Senado dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan.
“Oo wala naman ‘yan dati. Di naman binabaha ang Senado dati. I think it’s the result of that reclamation. Lahat naman ‘yan ang sinasabi na ‘yun ang reason. May major river kami sa tabi ng Senado di ba na lumalabas sa Manila Bay. Baka nahihirapan na siyang lumabas doon,” saad ni Sen. Cynthia Villar
Binanggit ng senadora na matagal na niyang tinututulan ang reclamation sa kanilang lugar sa Las Piñas at Bacoor, Cavite na sakop din ng Manila Bay.
Kapag bumaha kasi ay tiyak na maaepektuhan din ang Las Piñas-Parañaque Wetland Park na isang legislated protected area at nagsisilbing tahanan ng iba’t ibang klase ng isda at ibon.
Giit din niya na tataas ng hanggang tatlong palapag ang tubig-baha sa Las Piñas batay sa pag-aaral mismo ng DPWH na siya ring nagbabala sa kaniya noon.
“’Yung Molino is connected to Zapote River and ‘yung Parañaque is connected to the Las Piñas River so interconnected kaming apat na river. Talagang pinag-aralan ‘yan na kapag ni-reclaim kami babaha kami ng 6-8 meters. And that is (equivalent) 3-storey building. Kaya talagang predicted ‘yan ng DPWH, talagang sinabi na sa akin ‘yan long before na ‘wag akong papayag kasi babahain kami. Kaya I have always fought against reclamation,” dagdag ni Sen. Cynthia.
Kaugnay rito ay kinuwestiyon ni Senate President Francis Chiz Escudero ang flood control projects ng gobyerno na aniya bilyong-bilyong piso ang nakalaan mula sa national budget.
“Anong nangyari sa daan-bilyon na flood control projects ng DPWH, MMDA at mga lokal na pamahalaan?” tanong ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, Senate President.
Kaniya ring inilahad na iimbestigahan ng Committee on Public Works na pangungunahan ni Sen. Bong Revilla ang palpak na mga proyekto sa kabila ng napakalaki nitong pondo.