Flour millers sa bansa, nagtaas na ng presyo sa harina

Flour millers sa bansa, nagtaas na ng presyo sa harina

TUMAAS na rin ang presyo ng harina sa bansa ayon sa mga flour millers kung saan iniisa-isa ng mga ito ang dahilan sa pagtaas ng nasabing bilihin.

Ayon kay Ric Pinca, Executive Director ng Philippine Association of Flour Masters Incorporated (PAFMI), may mga dahilan kung bakit sumipa ang presyo ng kanilang ibinebentang harina. Sa ngayon nasa P900P1,000 ang benta ng flour millers sa mga distributors.

Tinatayang tumaas ng P200 sa bawat 25 kilo kumpara sa mga nagdaang buwan na nasa P860 lamang. Paliwanag ni Pinca apektado ang presyuhan sa nagpapatuloy na giyera sa Ukraine at Russia, Western trade ban at panahon ng tagtuyot ngayon sa pinag-aangkatan ng trigo sa India, France, Australia, United States of America at iba pa.

Kasama rin sa pagtataas ang delivery cost na P50 sa bawat sako ng harina. Ikinababahala rin ng PAFMI na posibleng tumaas pa ang presyo ng harina sa mga susunod na buwan kung hindi huhupa ang gulo sa Ukraine at Russia at mahinto ang trade sanctions sa US at EU sa Russia.

Mababatid na isa ang Pilipinas na 100% umaangkat ng trigo sa ibang bansa at nasa 23 millers lang ang nagpoproseso nito na gawing harina.

Sa kabila nito, nagbigay naman ng katiyakan si Pinca na hindi kukulangin ang suplay ng harina sa mga susunod na buwan. Tinataya namang nasa 250,000 metric tons kada buwan o nasa 3 milyong metriko tonelada kada taon ang inaangkat na harina ng bansa.

Nananawagan din si Pinca sa gobyerno na ibaba ang taripa sa lahat ng sangkap ng tinapay gaya ng yeast, asin, at asukal upang makaahon ang mga maliliit na panderya.

Maliban sa tinapay, pangunahing sangkap din ang harina sa paggawa ng instant noodles, pizza, cakes, siopao at iba pa.

Samantala sa usapin ng pag-upo ni President-elect Ferdinand Bongbong Marcos Jr. bilang pansamantalang kalihim ng Department of Agriculture (DA) ay bukas naman dito si Agriculture Secretary William Dar.

“We welcome the development, we welcome the decision of President-elect Ferdinand Marcos J., to personally oversee and be at the helm of the Department of Agriculture. This is the brand of the political will that we have been advocating since we assumed in office in August 2019. So, we are more than willing brief and assist the President-elect Marcos in our joint aspiration to attain food security and ultimately sovereignty po,” pahayag ni Dar.

Sinabi pa ng kalihim, handa siyang makipagpulong kay BBM upang mismong ibigay ang kanilang transition plan para sa mga susunod na taon.

Aniya, hindi ito magdadalawang-isip na tulungan ang Pangulo sa sektor ng agrikultura kung ito ay hihingi ng payo o tulong.

Habang para naman sa grupo ng mga magsasaka, ikinagalak nila na mismo ang Pangulo ng bansa ang mangunguna sa pagpapalakas sa sektor ng agrikultura.

Sinabi ni SINAG Chairman Rosendo So na malaking kaginhawaan para sa mga magsasaka at mangingisda dahil mapabibilis na ang pamamahagi ng tulong sa kanila dahil wala na itong kailangan pang daanan dahil mismong presidente na ang magdedesisyon.

“At least alam natin na iyong presidente ay concern sa Agri. Advantage is iyong fund na kailangan ng mga magsasaka ay mas mabilis ang problema ng Agri sector ay mas mabilis na ma-solve kung ang presidente ang nakaupo,” ayon kay So.

Dagdag pa ni So, isa rin sa kanilang napag-usapan ni PBBM ay ang pagpapataas sa antas ng pamumuhay ng mga magsasaka at mangingisda, pagpapalakas ng kanilang mga ani at kita.

“Napag-usapan namin yung seeds no, seeds production ay kailangan tumaas and of course ang isa ay nabanggit niya yung sector ng Fishery dapat palawakin at magkaroon ng sariling production. So, iyon ang kailangan natin and of course iyong other pork and chicken may batas namang ginagawa na rin ang Senado at Congress, iyong tariff collection ay mapupunta sa sektor ng livestock and poultry,” ani So.

 

Follow SMNI News on Twitter