PRIBADONG grupo, hindi kontento sa ipinapatupad na food security emergency sa bansa. Hindi maganda ang epekto sa sektor ng Agrikultura.
Ramdam na ng maraming mga magsasaka ang bigat ng kasalukuyang sitwasyon lalo na pagdating sa presyo ng kanilang mga ani.
Sa halip na kasiyahan ay pangamba ang bumabalot sa kanila dahil sa patuloy na pagbaba ng kita mula sa kanilang pinaghirapan.
Sa isang press conference, ipinahayag ni Ed Landayan, isang magsasaka ang kanilang pagka-dismaya sa National Food Authority (NFA).
Maraming magsasaka sa Nueva Ecija at Isabela ang binabarat ng mga trader.
Ang resulta umano ng idineklarang ‘food security emergency’ sa bigas ng Department Agriculture (DA) ay nagpababa sa presyo ng palay.
Ang mga nabanggit na probinsiya ay rice producing areas ngunit nasa P15/kg ngayon ang bili ng traders kumpara sa P23/kg noon.
“Hindi kami kontento, magkakasa nga kami, mag-rally ngayong Marso para mapa-mukha lang sa kanila na mali ang ginagawa nila. Kapag nadadama mo at maiisip mo mawalan ka ng P3 hanggang P5 sa bawat isang kilo. Ano ang pakiramdam mo? Matutuwa ka? Hindi naman nararamdaman ng mga taga-gobyerno ‘yun eh,” pahayag ni Ed Landayan, Magsasaka.
Hindi anila maibenta-benta sa NFA ang kanilang aning palay dahil sa sobrang puno pa ng mga bodega.
Kakaunting lokal na pamahalaan lang anila ang namili ng bigas sa NFA sa ilalim ng food security emergency.
Ayon naman kay Teodoro Mendoza, dating professor ng UP Los Baños, maling-mali ang naging hakbang ng gobyerno.
“Medyo alanganin ‘yun, wala namang kulang sa bigas bakit kailangan magkaroon ng food emergency. In real term, wala namang food rice shortage kasi dahil over importation last year. Wala namang tauhan ang mga LGU para mag-market eh, kailangan ng staff at storage doon, hindi nila kinonsider ‘yung election time busy din,” paliwanag ni Teodoro Mendoza, Former Professor, UP Los Baños.
Malaking hamon aniya ito para sa NFA kung papaano nila mailalabas sa bodega ang ilang buwan nang nakatenggang bigas.
Sinabi ng Integrated Rural Development Foundation Incorporated (IRDFI) na hindi naman naging maganda ang epekto sa mga magsasaka ang ipinatupad na polisiya.
Dapat aniya ay mas binibigyang prayoridad ng gobyerno ang mga nasa sektor ng agrikultura.
“Ang itinutulak natin ay ‘yung comprehensive farm support na mula doon sa production marketing logistics supporting mga cooperative para sila na ‘yung directly mag-market,” pahayag naman ni Arze Galipo, Executive Director, IRDFI.
Una na ring umapela ang NFA sa lahat ng LGU na bilhin na ang lumang suplay na bigas na nasa bodega nila.
Kakaunting LGU pa lang umano ang namili dahilan kung bakit punong-puno pa ang bodega.
Dagdag ng IRDFI, kailangan ngayon sa bansa na magkaroon ng price stabilization agency.
“Hindi naman kailangan na ang pangalan ay NFA kasi masyadong na korap ‘yung NFA,” ayon kay Dr. Rene Ofrenco, IRDFI.
Binigyang-diin pa ng IRDFI, dapat bawasan ang pondo sa ilang mga proyekto na hindi naman nakatulong sa mga Pilipino.
Gaya ng flood control projects na naging dahilan kung bakit matindi ang pagbaha na nakakaapekto sa mga nasa sektor ng Agrikultura.
Follow SMNI News on Rumble