NANINIWALA ang Department of Social and Welfare Development (DSWD) na makatutulong ang Food Stamp Program ng ahensiya para ma-address ang food shortage o maging ang over supply ng pagkain sa bansa.
Target na masimulan sa Hulyo ang pilot test ng naturang programa.
Ito ay para matulungan ang 1M pinakamahihirap na pamilya sa bansa na maibsan ang problema sa gutom.
Sa programa, bibigyan ng tap cards ang mga benepisyaryo.
Sa tap cards may laman itong food credits na nagkakahalaga ng 3,000 pesos.
Dito ay makakapamili sila ng gusto nilang bilhin na pasok sa listahan ng mga healthy food ng DSWD.
Isa sa mga kondisyon ay ang paglahok ng benepisyaryo sa nutrition class na ibibigay ng gobyerno.
Makakatulong umano ito para mabago ang eating at buying habit ng mga Pilipino ayon kay DSWD Sec. Rex Gatchalian.
Ang mga benepisyaryo bibigyan ng guide kung anong pagkain ang mura na, masarap at masustansiya pa.
Pero maliban sa problema sa gutom, naniniwala rin ang DSWD na matutugunan din ng Food Stamp Project ang problema sa food shortage o sa over supply.
Kaya ng DSWD na mahikayat ang mga benepisyaryo kung ano ang dapat na unahing bilhin.
Isa pa sa mga kondisyon sa ilalim ng programa ay ang paghanap at pagkakaroon ng trabaho.
Sa pamamagitan nito ay magiging parte ang isang benepisyaryo sa work force at capacity building ng bansa.
Paraan ito para hindi lamang umaasa sa ayuda ang mga mahihirap na mga Pilipino.
Sa pilot test, 3,000 pamilya muna ang saklaw ng programa.
Madadagdagan ito ng 300,000 pamilya pagkatapos ng anim na buwan.
Ang programa ay napagkalooban ng 3M dollars grant ng Asian Development Bank.
Nasa proseso pa ng paghahanap ang DSWD kung saang mga LGU gagawin ang pilot test ng Food Stamp Project.
Ayon kay Gatchalian, maaring isagawa ang pilot test sa mga poor urban areas, sa mga area na madalas biktima ng kalamidad at mga depressed at isolated na lugar.