HINDI pinahintulutan si dating Executive Secretary at kasalukuyang legal counsel ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Salvador Medialdea, na makapasok sa detention center ng International Criminal Court (ICC) sa Scheveningen, kung saan umano dinala ang dating pangulo.
Ayon kay Medialdea, nang makarating sa Netherlands ay agad nilang hiniling na dalhin si Duterte sa isang ospital para sa agarang medikal na atensiyon, at tiniyak naman ng ICC na ito ay isasagawa. Gayunman, hindi aniya ibinigay ng ICC ang pangalan ng ospital kung saan siya dinala.
“We made a request for hospitalization and they gave the assurance that he will be brought to the hospital and I asked for the name of the hospital. Up to now, they have not given us the name of the hospital so we took the position that he could have been brought here directly and we are told that there is no Pres. Duterte inside the facility,” saad ni Atty. Salvador Medialdea.
Sinabi rin ni Medialdea na nais makita ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang ama, kaya naman patuloy nilang isinasagawa ang mga hakbang upang magkaroon ng access sa kaniya.
“We are going back to the ICC and ask where he is right now because a family member is waiting here to see him.”
“She’s waiting [Vice President Sara Duterte] and I assume the president would want to see one of his family at this point in time,” aniya.
FPRRD kinumpirmang siya ay nasa maayos na kalagayan—Embahada ng Pilipinas sa Netherlands
Samantala, ayon sa Embahada ng Pilipinas sa The Hague, nakipag-ugnayan si dating Pangulong Duterte sa kanila bandang alas tres kwarenta’y uno ng hapon [oras sa Netherlands] noong Marso 13, upang makausap ang isang opisyal ng Konsulado.
Sa naturang tawag, kinumpirma ng dating Pangulo na sumailalim siya sa isang medical check-up, nakatanggap ng medikal na pangangalaga, at nasa maayos na kalagayan.
Hiniling din niya ang pagbisita ng mga opisyal ng konsulado ng embahada, gayundin ang kanilang tulong sa pag-aayos ng pagdalaw ng kaniyang legal counsel at miyembro ng kaniyang pamilya.
Kinumpirma rin ng embahada na nakausap na ng dating pangulo sa pamamagitan ng tawag si Medialdea.