WALANG away sa pagitan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at Pangulong Bongbong Marcos.
‘Yan ang nilinaw ng dating Pangulo matapos nitong isapubliko na ang mga nasa likod ng kontrobersyal na People’s Initiative (PI) ay ang mismong Pangulo, First Lady Liza Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Payo lang naman ni dating Pangulong Duterte sa administrasyon na huwag na sanang pasukin ang bagay na ito.
Nauna nang sinabi ng dating Pangulo na ang pananatili ng matagal sa kapangyarihan o sa posisyon ang tunay na motibo ng mga nagsusulong ng charter change (Cha-Cha) sa pamamagitan ng P.I bagay na nagpainit sa sagutan ng mga tagasuporta ng mga Marcos at ng mga Duterte.
“Huwag kayong mag-away. Ako, I’d like to urge everybody, huwag kayong mag-away kasi hindi naman kami nag-aaway ni Presidente Marcos. Sinasabi ko lang sa kanya, huwag kayong pumasok diyan [People’s Initiative]. Kung hindi niya ituloy, happy days are here again. Huwag lang ‘yan kasi hindi talaga pwede ‘yan sa mga Pilipino,” ayon kay dating Pangulong Duterte.
“Sabihin mo, makuntento ka na lang. Enjoy the remaining years of your Presidency. Huwag ka na maghanap ng gulo kay baka ma-Marcos, Sr. ka,” diin ni Duterte.
Kinuwestiyon naman ng dating Pangulo ang ginawa ng Commission on Elections (COMELEC) kung saan basta nalang ito tumanggap ng tumanggap ng pirma gayong hindi naman nila kayang beripikahin kung totoo nga ba ang mga pirmang isinumite ng mga Congressman galing sa kani-kanilang mga distrito.
“Ito namang COMELEC, kayong COMELEC you better shape up. Tanggap kayo ng tanggap for what purpose? Ikaw nga tanungin ko kayo, i-file ninyo? What is the legal purpose of you accepting the unverified signatures submitted by the Congressman or their men na binayaran ng P100. You know COMELEC, ‘pag ginamit mo ang pera, tapos i-bribe mo ang Pilipino for him to sign a document,” ani Duterte.
“Whether hindi lang lalayo ‘yan. That is bribery. That is fraud. Makukulong tayong lahat dito o magkagulo tayo. Tandaan ‘nyo yan,” saad pa nito.
FPRRD, magsasampa ng petisyon sa Supreme Court para tuluyang mahinto ang People’s Initiative
Kaya naman sabi ni Duterte, handa siyang magsampa ng petisyon sa Korte Suprema para tuluyang matigil ang People’s Initiative.
Winawaldas lang aniya kasi ng mga nasa likod ng P.I ang pera ng taumbayan para maisakatuparan ang plano nilang mapanatili ang kanilang sarili sa kapangyarihan.
“Well, it becomes hazy. Kaya nga itong si Romualdez, bigay nang bigay na kagaad ng pera in preparation para walang hits na pagdating doon sa mga signature. That’s what he thinks. But you know, you have to contend with the Supreme Court because I am planning also to file a petition in the Supreme Court as a lawyer. Alam man ng iba hindi ganoon kadali iyan. Magkasabit-sabit talaga tayo diyan,” saad ni Duterte.
“Ito bayan natin, bayan ko, bayan mo. Papayag ka nang ganu’n? Kung hindi ako nag-rally, malaman ninyo itong p*****i**, kap*t*han na ginagawa nila?” dagdag pa nito.
Kahit na itinigil aniya ng COMELEC ang pagtanggap ng pirma, kinakailangan pa ring obserbahan ito upang masiguro na hindi na talaga ito magpapatuloy.
“So, let us see what develops. How sincere is this stoppage? If a toll it is. Para… ‘yan lang ang ano natin… Huminto lang sila. It will stop the hemorrhage.
“Hindi maganda eh. Nandiyan lang sila sa kanila—kayong tatlo, you dedcide to shift into a parliamentary kasi ito namang itong Congress, binibili naman nila. Pumapayag naman ang p***** i**,” ani nito.
Dati nang isinulong ni dating Pang. Duterte ang pagbabago ng Konstitusyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Federal Government kung saan bumuo pa siya ng komisyon para rito.
Pero base sa naging pag-aaral ng nabuong komisyon, dahil may kasalukuyan pang rebelyon sa bansa ay hindi pa raw panahon para lumipat sa ganoong uri ng pamamahala ang gobyerno ng bansa.
“Well, to be prudent about it, I constituted a commission, sabi nila, it is not the right time. It is not the right time to do it. Kasi may mga sporadic rebellion pa eh’. Kaya kung i-ano mo ito, baka ituloy na lang talaga nila ang separation,” paliwanag pa nito.