MARIING kinondena ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pamamaslang at pangho-hostage ng teroristang Hamas sa mga inosenteng sibilyan sa Israel.
Sa kaniyang programang Gikan sa Masa, Para sa Masa kasama si Pastor Apollo C. Quiboloy, inihayag ni dating Pangulong Duterte ang kaniyang saloobin sa nangyayaring digmaan sa pagitan ng Palestine militant group na Hamas at Israeli defense forces.
Ayon sa dating Pangulo, dapat ay kondenahin ang mga hindi makataong gawain gaya ng walang habas na pamamaslang sa mga sibilyan sa nangyayaring digmaan. Aniya, wala siyang naririnig na anumang katayuan ng gobyerno ng Pilipinas sa isyung ito.
“Well every nation has condemned and I am condemning Hamas and Hezbollah.”
“We are sad that they have been killed, or dragged, hostaged, we do not like it. And all of us Filipinos even our Muslim brothers and sisters should condemned itong mga ganitong klaseng terrorism.”
“I don’t know about the stand of the government, I’m just a former president but unahan ko na because nothing has come out of Malacañang or any government agency for that matter,” diin ni Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ambisyon ng Iran na burahin sa mundo ang mga Hudyo—FPRRD
Inihayag din ng dating Pangulo na ang sumusuporta sa Hamas ay ang bansang Iran dahil nais nitong burahin sa mundo ang mga Hudyo.
“This one is a deadly mixture motivated by violence. One aim, the dream talaga nito is to kill. Iran, ang ambisyon ng Iran is to wipe-out every Jew dito sa mundong ito,” dagdag ni FPRRD.
“But ito kasing Iran, well the Iranians are not Arabs. Mind you, they are Persians. ‘Yan talaga ang promotor noon pa,” ani Duterte.
“’Pag ito alam ng Israel na itong Iran, funded organized and has bonded the organization. So there is a possibility I think that Iran would be bombed by an atomic bomb,” aniya.
FPRRD: Israel-Hamas conflict, isang proxy war sa pagitan ng Arab States
Kaya naman hinihikayat ng Dating Pangulo ang Arab States sa pangunguna ng Saudi Arabia na tumayo laban sa terorismo. Ito ay dahil isa umanong proxy war ng mga Arabong bansa ang nagpapatuloy na gulo sa pagitan ng Israel at Hamas.
“This is actually a proxy war between Iran and Israel, at ‘yung mga radical na Arab States,” dagdag nito.
“So, itong mga high-profile, with so much influence on the Arab affairs should think now of how to correct things, if it can be corrected,” ayon pa sa dating Pangulo.
Intelligence agency ng Israel, posibleng naging kampante na kaya nalusutan ng mga terorista —FPRRD
Posible rin na naging kampante na ang Mossad, ang intelligence agency ng Israel kaya nakalusot ang ganitong uri ng karahasan.
“Either you were doing your duty, stupid, you are indolent, or there was, the sense of ‘yung comfort zone complacency. Kumpiyansa ba,” dagdag ni Duterte.
FPRRD, nagpaalala sa mga terorista na huwag magtangkang atakihin ang Pilipinas
Kaugnay rito ay nagbabala naman ang Dating Pangulo na huwag subukan ng mga teroristang Hamas na gumawa ng anumang pag-atake sa Pilipinas.
Ani Duterte, handa umano siyang lumusob sa digmaan kung mayroong aatakihing Pilipino ang mga terorista.
“Now terrorism is always everywhere, it is in Europe, it is in America, nandito sa atin but I just warning you, ‘wag na ‘wag ninyong gawin dito ‘yan ‘yung ganun ulit,” giit pa nito.
“Hindi mo na kailangan i-massacre ‘yung Pilipino na marami, gumawa ka lang ng one single injustice for no reason at all, you kill, you hostage, I will go to war, and we will all die and that will be the end of you,” saad ni FPRRD.
Matatandaan na inanunsiyo ng isang senior Hamas military commander sa isang broadcast ang pagsisimula ng ‘Operation Al-Aqsa Flood’ kung saan higit limang libong rocket nga ang inilunsad ng grupo noong Sabado pa lamang.