LIBU-libong Pilipino mula sa iba’t ibang bahagi ng Europa ang dumagsa sa meet and greet activity ni Vice President Sara Duterte sa The Hague, Netherlands.
Sa harap ng mga Overseas Filipino Workers (OFW), ibinahagi ni Duterte ang naging pag-uusap nila ng dating Pangulo, na kasalukuyang nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay VP Sara, matibay ang paninindigan ng dating Pangulong Duterte na walang legal na basehan ang pag-aresto at paglilitis sa kaniya sa isang dayuhang hukuman.
“Alam niya na mali ang ginawa and up to the very minute na tinulak siya paakyat ng eroplano, ilang beses niya sinabi na, ‘I want to be tried in a Filipino court before a Filipino judge and a Filipino prosecutor.’ Because he knew that we, number one, wala talagang basehan ‘yung kaso,” wika ni Vice President Sara Duterte.
Muling binatikos ni VP Sara ang kakulangan ng matibay na ebidensiya sa mga kasong isinampa laban sa dating Pangulo sa ICC.
Aniya, sa kabila ng libu-libong alegasyon na may kinalaman umano sa war on drugs, 43 kaso lamang ang naihain sa korte—malayo sa inaangkin ng ilang grupo at mga indibidwal.
“Kaya minsan naisip ko naging kaso lang ba ito dahil sinusulat sa media na thousands ang namatay. I do not even understand paano naging crimes against humanity ang 43 counts of murder? Na ngayon lumalabas hindi naman ata totoo lahat ‘yung mga witnesses at ‘yung mga complainants,” dagdag ni VP Sara.
Bagama’t ipinauubaya ni VP Duterte sa mga abogado at sa korte ang legal na proseso, nanindigan siyang may magagawa pa rin ang sambayanang Pilipino—ang igiit sa gobyerno na ibalik si dating Pangulong Duterte sa Pilipinas.
Dating Pangulong Duterte, desididong makauwi sa Pilipinas—VP Sara
Ayon kay VP Sara, sa kabila ng panganib sa kaniyang buhay, nananatiling matatag ang kagustuhan ng dating Pangulo na makabalik sa bansa.
“Sa mga araw na nandoon ako, isa iyan sa paulit-ulit na sinasabi niya—’Kailan mo ako mapalabas dito? Dahil darating na ang eleksyon, mag-mayor pa ako ng siyudad ng Davao.'”
“‘Yun ang gusto niya—gusto niyang umuwi. Sinabi ko din sa kaniya ‘yun, ‘Pa’, sabi ko. “‘Yung kagustuhan mo na umuwi, iyan din ‘yung katapusan ng buhay mo. Magiging Ninoy Aquino Jr. ka. At sinabi niya sa akin, ‘Kung ganiyan ang kapalaran ko, then so be it. Basta maiuwi lang ako sa Pilipinas,'” dagdag nito.
Dahil diyan hinimok na muli ni VP Sara Duterte ang mga Pilipino sa Europa na huwag tumigil sa pagpaparating sa gobyerno at sa ICC na mali ang ginawa nila sa dating Pangulo.
Giit niya, ang tanging paraan upang maitama ang sitwasyon ay ang pagpapauwi kay dating Pangulong Duterte sa Pilipinas at doon ituloy ang anumang legal na proseso.
Follow SMNI News on Rumble