TINIYAK ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa publiko na ‘okay’ lang siya at walang dapat ikabahala sa kaniyang kalagayan.
Sinabi ito ng dating pangulo sa pamamagitan ng isang video message bago pa man makalapag sa Netherlands ang sinakyan nitong eroplano.
Sa naturang video message rin ay sinabi ni FPRRD na handa niyang panagutan ang lahat ng nangyari sa ilalim ng kanyang panunungkulan nang ipatupad ang drug war campaign.
Bagamat mahaba-haba aniya ang magiging legal proceeding kaugnay sa reklamong pagkakaroon umano ng extrajudicial killings sa kanyang drug war, magpapatuloy pa rin aniya siyang magsisilbi sa Pilipinas.
Hiniling ni Atty. Salvador Medialdea, ang legal counsel ni FPRRD, sa International Criminal Court (ICC) na sana’y maging ligtas ang dating pangulo roon at pahintulutan itong magkaroon ng medical access alinsunod sa Konstitusyon at international laws.
Ginawa ni Medialdea ang naturang pahayag dahil panandalian lang aniya ang kanyang valid visa, maging ang personal nurse at aide ni FPRRD para makapasok sa Netherlands.
Kinakailangan pa aniya ng tulong mula sa Philippine Embassy at ICC para magampanan niya ang pagiging abogado ng dating pangulo.
Ang ibinigay sa kaniya ay visa lang para sa labinlimang araw, habang ang nurse at aide ay binigyan ng dalawang araw para makapahinga bago bumalik sa Pilipinas.