PALALAWIGIN pa ng tatlong buwan o hanggang Abril 30 ang franchise consolidation sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang rekomendasyon ni Transport Secretary Jaime Bautista.
Matatandaang nagdesisyon ang pamahalaan na magbigay ng one-month grace period na hanggang Enero 31 para sa deadline ng consolidation.
Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil na layon ng extension na ito na bigyan ng pagkakataon ang mga nagpahayag ng intensiyon na mag-consolidate, ngunit hindi nakahabol sa naunang itinakdang cut-off.
Inihayag ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na ang mga pampublikong sasakyan na may kabuuang 190,000 units, na binubuo ng UV Express, PUJs, mini-bus at bus, ay naka-avail ng consolidation.
Base sa huling tala ng LTFRB nitong kalagitnaan ng Enero, nakakuha na ang UV Express ng 82 porsiyentong consolidation; jeepney- 75 porsiyento; mga bus- 86 porsiyento; at mini-buses- 45 percent.
Bilang tugon sa pag-apruba ng consolidation extension, inilahad ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III na susunod ang ahensiya sa direktiba ni Pangulong Marcos.
“The LTFRB will adhere to President “Bongbong” Marcos’s directive to extend the consolidation of public utility vehicles (PUVs) until April 30, 2024,” pahayag ni Teofilo Guadiz III, Chairperson, LTFRB.
Hinihikayat naman ni Guadiz ang mga operator at driver na samantalahin ang pagkakataong ito na ibinigay ng Pangulo.
Sinimulan ng pamahalaan na isagawa ang modernization program noong 2017.
Sa kasalukuyan, nakapagtatag na ng 1,728 kooperatiba at korporasyon na may 262,344 na miyembro.
Ipinapatupad ng gobyerno ang PUVMP para matugunan ang lumalalang problema na may kinalaman sa transportasyon at ang future transportation demand ng bansa.
Ang programa ay naglalayong baguhin ang sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa na gawing mas marangal, makatao, at nakalinya sa mga pandaigdigang pamantayan ang mga operasyon ng commuting at public transportation.
Nilalayon din nitong mabigyan ang Filipino commuter ng komportableng biyahe sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas ligtas, mas mahusay, maaasahan, maginhawa, abot-kaya, climate-friendly, at environmentally sustainable na sistema ng transportasyon sa bansa.